
No rivalry according to Mon and Leon Miguel; new film “EJK” reflects current problem on drugs
Kilala ang acclaimed character actors na sina Mon Confiado at Leon Miguel sa international scene.
Si Mon ay ilang beses nang nakagawa ng mga pelikula sa Hollywood at nakatrabaho na niya ang mga bigating actor tulad nina Rod Steiger (In The Heat of the Night) at David Hasselhoff (Baywatch, Knightrider) sa “Legacy”, at marami pang iba.
Si Leon Miguel naman ay nakalabas na sa mga American movies tulad ng “In the Name of the Queen” ni Bram Van Erkel, “Behind Enemy Lines” ni Mark Griffiths, “Legacy” ni T.J. Scott at “Going Back” ni Sydney Furie.
Huling nakapagbida si Mon sa “Stateside” ni Marcial Chavez kung saan papel ng isang homeless sa Skidrow sa California ang kanyang ginampanan.
Napansin din siya ng mga kritiko bilang Heneral Emilio Aguinaldo sa “Heneral Luna”, ang highest grossing Pinoy historical epic of all time.
Si Leon naman ay napansin sa short film na “Red Lights” na itinanghal na best digital film sa Ottawa noong nakaraang taon.
Pinuri rin siya at pinalakpakan ng foreign audiences at critics sa pelikulang “Graceland: A Life for Every Lie” ni Ron Morales na naging paborito sa Tribeca International Film Festival at ipinalabas sa iba’t-ibang prestihiyosong international filmfests abroad.
Pivotal din ang karakter niya bilang White Eye sa “Metro Manila” ni Sean Ellis kung saan siya ang pumatay sa karakter ni John Arcilla sa nasabing pelikula na naging entry ng Great Britain sa best foreign language category sa Oscars noong 2013.
Ngayon, magpapakitang-gilas ang dalawa sa pelikulang “EJK” na napapanahon ang tema.
“Timely siya dahil nababasa natin at napapanood sa news. Iyong mga pinapatay at sina-salvage dahil sa droga,” ani Mon.
Ayon naman kay Mon, hindi siya pabor sa extrajudicial killings lalo pa’t kung may nilalabag itong karapatang pantao.
“Iyong iba kasi, ginagawa nila para madisiplina iyong mga adik na pusher pero nalulungkot lang na isiping iyong mga nahuhuli ay mga maliliit na tao at hindi iyong mga ‘big fish’ na mga pulitiko o negosyante na sangkot sa illegal na droga,” paliwanag niya.
Ayon naman kay Leon, hindi niya ikinaila na paminsan-minsan ay naaalarma rin siya sa mga kaso ng napapabalitang extrajudicial killings sa bansa.
“Siguro, dapat lang imbestigahan. Minsan kasi, the end does not necessarily justify the means pero malaki ang kumpiyansa ko sa administrasyon na seryoso silang lipulin ang mga lawless elements sa ating bansa,” aniya.
Masalimuot ang mga roles na ginagampanan nina Mon at Leon bilang mga corrupt na pulis sa “EJK”, pero kabalintunaan daw naman ito sa kanilang mga totoong pagkatao sa tunay na buhay.
Masaya rin si Leon dahil nakasama niya si Mon sa “EJK.”
“I will always cherish the experience na nakatrabaho si Mon dahil kami ni Mon ay sanggang dikit. Hindi lang kami magkaibigan dahil magkapatid na ang turingan namin sa isa’t-isa,” pagwawakas niya.
Nilinaw din ni Mon na walang rivalry na namamagitan sa kanilang magkaibigan.
“Marami na kaming pinagsamahan. He’s not a competitor. He’s a colleague and a friend at masarap siyang makatrabaho,” pagwawakas ni Mon.
Bukod kina Mon, Felix at Leon, kasama rin sa cast ng EJK sina DJ Durano, James Lomahan, Rob Sy, Karen Gaerlan, Sasha Tajaran, Federico Leop, Alvin Gutierrez, Victor Romano, Sarah Patricia Giil, Jun Nayra, Jon Romano, Bani Baldisseri, Jon Romano, Adrian del Mundo, Mavi Lozano at marami pang iba.
Mula sa direksyon ni Roland Sanchez, ito ay iprinudyus ng KIB Productions ng actress-producer na si Kate Brios at ng Red Post Production House.