
No room for sibling rivalry
Hindi pa man naipapalabas ang Lockdown ay umiingay na ang namumuo umanong sibling rivalry between Paolo Gumabao and his half-brother Marco.
Nalilinya kasi sa pagpapaseksi ang Viva artist na si Marco samantalang ang leading man ng Lockdown na si Paolo ay walang takot na nagbuyangyang ng kanyang pagkalalake sa kanyang launching movie.
Pero, ayon kay Paolo, wala sa kanilang kumpetisyon ni Marco.
“Well, iyong sibling rivalry, ano lang siya… gawa-gawa lang siya ng mga tao sa labas. Between me and Marco, wala talagang ganoon. Sinusuportahan niya ang lahat ng projects ko,” bungad ni Paolo.
“Actually, iyong poster ng movie, ini-share niya sa Instagram story niya. Suportahan kami sa isa’t-isa. Kapag may pelikula siya, sinusuportahan ko rin, pinapanood ko rin. 100 percent ang support system namin sa isa’t-isa,” dugtong niya.
Hiningan ko rin siya ng reaksyon sa sinabi ng kanyang direktor na si Joel Lamangan na mas palaban at mas mapangahas siya kay Marco pagdating sa pagpapa-sexy.
“Actually, hindi ko alam kung paano sasagutin iyan. Sa akin naman, kinailangan siya ng iskrip kaya ko ginawa iyong nude scenes. Kailangan siya ni Direk. Siyempre, ibinigay lang natin para mapaganda iyong pelikula,” paliwanag niya.
Natanong ko rin kung humingi ba siya ng tips kay Marco kung paano aatakihin ang kanyang role.
“Hindi naman. Actually, I always get asked kung paano ko pinaghandaan ang nude scenes ko. Ang sinasabi ko lang, paano ba natin pinaghahandaan when we make love with someone. Hindi mo pinaghahandaan, you take off your clothes at ini-execute mo lang kung ano gusto mo,” esplika niya.
“In the movie, the nudity part is the easiest for me. Ang mahirap talaga ay iyong ini-embody mo iyong character, iyong lungkot, iyong sakit na nararamdaman ng character, and I think, that’s for me, is the challenge,” pahabol niya.
Hirit pa niya, not necessarily sexy ang direksyong gusto niyang tahakin.
“Nagustuhan ko iyong script ni Troy Espiritu at iyong role. It’s something na feel ko, ito na iyong big break na hinihintay ko,” lahad niya.
Aware rin siya na may frontal nudity at mga mapapangahas na eksena hindi lang sa babae kundi sa kapuwa lalake ang pelikula nang tanggapin niya ito.
“Noong simula pa lang kasi, sinabi na sa akin ni Direk Joel na may frontal ang pelikula. Ako naman, hindi naman siya big deal para sa akin dahil ang tingin ko, trabaho lang siya at needed talaga sa eksena,” saad niya.
Ang Lockdown ay tungkol sa kuwento ni Danny, isang OFW na kapit-patalim na pinasok ang mundo ng cybersex trade para matugunan ang pangangailangan ng kanyang pamilya.
Bukod kay Paolo, tampok din sa Lockdown sina Max Eigenmann, Allan Paule, Jim Pebanco, Ruby Ruiz, Jesse Avardone at Angellie Nicholle Sanoy.
Kasama rin sa cast sina Jeff Carpio, Kristian Allene, Dincent Lucero, Mauro Salas, Neil Suarez, Alexis Yasuda at Sean de Guzman.
Mula sa produksyon ng FLA Films ni Jojo Barron at sa direksyon ng multi-award winning director na si Joel Lamangan , mapapanood na ang pinakamapangahas na pelikula ng taon simula sa Hulyo 23 via digital streaming sa KTX, iWantTFC, Upstream, at RAD.