
Nora Aunor stars on ‘Padre de Familia’, an indie film produced by Coco Martin; gives her views on Portugal-based award-giving body; talks about her throat treatment
Pinaghahandaan ni Coco bilang isa sa prodyuser ng indie film nila ni Nora’ng ‘Padre De Familia’ ang promosyon nito lalo na ngayong ang may business manager na ang huli na si Tita Angge na identified sa ABS-CBN 2 kaya mas maganda ang mga magaganap na pagpo-promote nilang dalawa kung sakali sa nalalapit na pagpapalabas ng kanilang obra na dinirehe ni Direk Adolf Alix Jr.
“Maganda ‘yung movie naming ‘yon,” sabi pa ng award winning actress.
“Kilala n’yo naman ako talagang mapili ako sa pagtanggap ng project. Gusto ko kasi ‘yung ano…may quality at hindi basta makakalimutan ng mga tao. Hindi lang maganda magagaling pa ‘yung mga kasama ko siyempre ‘yung anak kong si Coco napakagaling pati na direktor namin. Basta lahat ng kasama namin do’n magagaling talaga,” pagmamalaki pa ng superstar.
35th Fantasporto International Film Festival
Aware din si Mama Guy na malakas ang laban niya sa 35th Fantasporto International Film Festival for ‘DEMEN-TIA’ na nasa competition mismo nang nasabing pestibal sa Portugal kung saan nominated sa Best-Fantasy World Film at Grand Prix Jury Award pati na sa Best Actress.
“Naku, mahirap umasa. Pero masarap na kahit papano napapansin ‘yung pelikulang ginawa natin. Maging masaya na tayo na ano…mapasali sa listahan ng nominado. Basta ako hindi ako umaasa. Kung talagang kaloob nu’ng nasa Itaas na suwertehin tayo na manalo salamat. Kung hindi naman salamat pa rin. ‘Pag hindi para sa atin ang isang bagay hindi kailangang ipilit. Sobra-sobrang biyaya na nga ang ibinibigay sa atin ng Diyos. Du’n palang talagang ano…malaking pasasalamat ko na sa kanya,” tuluy-tuloy pa ring sabi nito.
Throat treatment
Pursigido rin ang superstar sa tuluyang pagpapagamot o operasyon para sa kanyang lalamunan upang manumbalik na ang kanyang golden voice na matagal-tagal ng hindi naririnig ng publikong nagluklok sa kanya sa phenomenal stardom.
“Sobrang miss ko na talagang kumanta. Kaya nga mahaba-habang pag-iipon ang ginagawa ko para matuloy na’ko sa Boston du’n sa ospital na napuntahan ko nu’ng ipa-check up ko ‘tong lalamunan ko. Gusto ko na talagang makakanta kaya sana sa awa ng Diyos makapunta na’ko doon for my throat operation,” lahad pa nito.
Mukhang matutupad na nga ang minimithing ‘yon ni Nora dahil boluntaryong nagsabi ang King of Talk & Queen of All Media na sina Kris Aquino & Boy Abunda ng magkaroon ng live guesting kamakailan ang superstar sa ‘The BUZZ’ ng ABS-CBN 2 kung saan buong ningning on national television na sasagutin ng mga una ang hospitalization at airfare ng superstar na ikinatuwa naman nito.