Nora Aunor says she never stops honing her craft
by Ruben Marasigan
Walang humpay sa paggawa ng indie films si Nora Aunor ngayon. Halos hindi pa natatapos ang isa, meron na namang panibago. Nagsimula na nga siya ng shooting ng Kabisera na idiniderehe ng baguhan pero mahusay na filmmaker na si Real Florido.
“Ang role ko ay isang maybahay. Ang asawa ko rito ay si Ricky Davao na kapitan ng barangay at meron kaming mga anak,” pahayag ng aktres
sa Philippine Showbiz Republic (PSR.ph).
“Pinatay ang asawa ko dahil napagkamalan na… huwag ko na lang kayang ikuwento kasi mawawala naman ‘yung suspense ng pelikula. Hindi ba?” sabay ngiti niya.
Wala siyang pahinga sa sunod-sunod na pelikulang ginagawa niya na madalas ang shooting ay mula umaga hanggang hatinggabi. Pero hindi raw siya nakakaramdam ng pagod o kinukulang ng energy.
“Gusto ko kasi ‘yung ginagawa ko. Kapag gusto ko kasi ‘yung ginagawa ko, hindi ako marunong mapagod. Mula naman noong araw kapag gumawa ako ng pelikula, andun talaga ‘yung… kapag tinanguan ko ang isang pelikula na gagawin, talagang dapat na gawin mo kung ano ‘yung nararapat na gawin bilang isang artista.”
Marami na siyang nakatrabahong mga batikan at premyadong direktor. Pero ngayon, nagkakaroon siya ng pagkakataon na ang mga makasama naman ay mga bagong umuusbong na filmmaker.
“Magagaling sila. Gaya nga ni Direk Real (her director in Kabisera). Actually si Direk Boy Agustin at saka si Direk Topel Lee. Tatlo sila actually. Maganda itong pelikula. Kasi hango ito sa isang totoong nangyari sa Batangas, ‘yung minasaker na pamilya. At kapag true-to-life ang pinag-uusapan natin, talagang ipinapakita natin kung ano talaga ang nangyayari. Kaya isang napakagandang istorya ito,” kuwento pa ni La Aunor.
Lahat ng mga artista, datihan man o bago ay pangarap siyang makatrabaho. Marami raw kasing matututunan mula sa kanya.
“Alam mo, nakakatuwa rin naman. Kasi ‘yung pagiging artista, ano ‘yan e… Kumbaga sa ano, noong araw kasi… mga pakanta-kanta (sa pelikula). Tapos nag-eksperimeto ako na… o, ibahin ko nga. Para hindi naman lahat ng oras e iyon ang nakikita ng mga tao. So nag-concentrate ako sa bawat role na ibinibigay sa akin sa isang pelikula o ng isang producer. Tumama naman.”
How does she take the impression that a lot can be learned from her kapag nakatrabaho nga siya?
“Alam mo, dapat hindi… Kasi ako, masaya na marami ang gustong matuto, ‘no? Isang malaking karangalan para sa akin ‘yon. Na… gano’n ang sinasabi nila. Pero alam ko sila (ibang mga artista), may sarili silang ano, e… acting. Ibig kong sabihin… pag-arte na hindi lang nila siguro natutuklasan sa sarili nila. Depende sa role na ibibigay sa kanila. Kapag mabigat ang role na ibinigay sa isang artista, natural na magku-concentrate ang isang artista. At bibigyan talaga ng importansiya ang kanyang role na pagandahin ang kanyang pagganap,” paliwanag pa ng Superstar.
Ang isa bang beterana at multi-awarded actress na gaya niya ay may masasabing natututunan din sa pakikipagtrabaho sa mga baguhang artista?
“Natural! Marami. Kasi ang isang artista sa palagay ko, sa paniniwala ko… hindi dapat na huminto sa pag-aaral o kagustuhan na matuto pang lalo.
“Hindi yung tipong hanggang doon ka na lang kung ano ang kinatatayuan o narating mo na. Hindi puwedeng ganun. Kailangan sa bawat pelikula o sa bawat role na iniaatang sa ‘yo, dapat iba-iba ang kailangang maging atake do’n sa karakter na ibinibigay sa ‘yo.”