Nora Aunor yearns to revive her singing career
By John Fontanilla Labis -labis ang katuwaan ng nag-iisang Superstar na si Nora Aunor ng makausap nito ang ‘Mastershowman’ na si Kuya German Moreno via phonepatch sa DZBB 594 “Walang Siyesta” kamakailan.
“Sa wakas nakausap ko na din si Kuya Germs , natupad na rin ang wish ko na makausap siya at malaman kung okay na nga siya. At dahil narinig ko na ang tinig niya sa radio, mas naniniwala na akong mabuti na ang kanyang kondisyon,” ayon pa sa Superstar.
“Basta alam kong masaya siya [Kuya Germs] , masaya na rin ako. Nami-miss ko kasi talaga siya. Isa siya sa mga taong laging nasa tabi ko kaya sobrang lungkot ko noong nagkasakit siya,” paliwanag pa ng aktres na tinagurian ding ‘Bulilit.’
“Kaya naman hindi ko maipaliwanag yung kasiyahan ko dahil muli ko siyang narinig na tumawa. Wish ko na magtuloy-tuloy na ang pag galing niya dahil madami pa siyang mga kabataan at mga artistang tulad ko ang matutulungan niya. Kailangan pa siya ng industriya. Sana patuloy pang lumusog ang kanyang pangangatawan para mas marami pa siyang magawa,” dalangin pa ng premyadong aktres sa kanyang kaibigan.
Ano ang pinagkakaabalahan ng Superstar sa ngayon?
“Busy ako sa mga pelikulang ginagawa ko. Yung isang pelikula ko ay tungkol sa Yolanda. Isang araw na lang at malapit na itong matapos. Napakaganda ng pelikula dahil base ito sa tunay na nangyari sa mga Yolanda survivors,” kuwento niya.
Hindi na ba talaga niya kayang mai-revive ang kanyang naantalang singing career?
“Isa pa iyan sa mga wish ko, yung makakantanf muli. Hopefully, in God’s grace, makakakanta na ako ulit. Alam naman ninyo na first love ko talaga ang singing. Bago pa man akong umarte ay itong pagkanta na talaga ang ginagawa ko kung kaya’t sana nga maging maayos na ang lahat para makakanta na akong muli. Madami na rin kasing nagre-request na mga tagahanga ko na magkaroon daw akong muli ng concert.”
Kung bibigyan ka ng pagkakataong makapamili ng lugar kung saan ka magko-concert, saan mo gustong mangyari ito?
“Sana magkaroon ulit ako ng pagkakataong makapag-concert sa isang malaking venue gaya ng pagkakataong ibinigay dati sa akin ni Kuya Germs sa Araneta Coliseum. Tanda ko na iyon ang kauna-unahan kong concert sa malaking venue. Umiyak ako noon sa nerbiyos dahil sobrang laki talaga at andaming tao.”
Kumusta naman ang takbo ng kanyang karera?
“Happy naman ako sa career ko kasi kahit papaano naman nakakaraos tayo sa konting mga pagsubok. Nagpapasalamat nga ako at nakakayan ko pa, iniisip ko na lang yung kasabihan na ‘hindi ito [pagsubok] sayo ibibigay ng Diyos kung hindi mo kaya.’ Basta dasal lang talaga ang kailangan at mao-overcome mo rin yung mga problema. Masaya din ako kasi hindi ako nawawalan ng trabaho, laging may mga trabahong dumadating sa akin.”
Anong mensahe mo sa iyong mga tagahanga?
“Una sa lahat nais kong magpasalamat sa mga nagmamahal at kahit yung mga hindi nagmamahal sa akin.
Nawa’y magmahalan tayo ng totoo, yung nasa puso dahil yun naman talaga ang kailangan.Salamat sa mga Noranians na laging nandiyan sa tabi ko kahit ano pang mangyari,” pagtatapos ni Ate Guy.