
“It’s not easy. I thought since Glaiza (de Castro) and I are friends, we’d be comfortable with each other. But there are times when I’d really go, “Eeeew!” after the take.” – Marian Rivera on her lesbian role
by PSR News Bureau
Sa kabila nang kasalukuyang maselang kalagayan, tuloy-tuloy pa rin ang trabaho ni Marian Rivera. Kakaiba ang magiging role ng Kapuso Primetime Queen sa kanyang bagong soap opera na pinamagatang The Rich Man’s Daughter. Ito ang comeback project ni Marian pagkatapos ng kanyang pagpapakasal at malamang pagkatapos rin nito ay muling magpapahinga ang aktres para ihanda ang sarili sa pagsilang niya ng panganay na anak nila ng asawang si Dingdong Dantes.
Gagampanan ni Marian ang papel ni Jade, isang anak mayaman na mahuhulog ang loob sa kapwa babae na si Althea, na gagampanan naman ng aktres na si Glaiza de Castro na siyang personal choice pala nitong si Marian para sa naturang papel.
Ang The Rich Man’s Daughter ay isa na naman sa proyekto ng GMA 7 na inaasahang magiging kontrobersiyal dahil ang kuwento ng nasabing soap ay tatalakay sa relasyon ng kapwa babae. Aminado naman si Marian na isang malaking challenge para sa kanya ang papel na kanyang gagampanan. Kahit matagal na silang magkaibigan at magkakilala ni Glaiza, hindi maiwasan na nagkakailangan pa rin silang dalawa sa kanilang mga eksena.
“Naku, may mga pagkakataon talaga na naiilang ako. After the take, ‘Waaah!’ gumaganon talaga ako,” kuwento pa ni Marian. Napapatili raw talaga ang aktres sa ilang eksena nila. “Hindi siya madali. Akala ko dahil kumportable na kami sa isa’t-isa ni Glaiza, magiging madali na ang lahat, hindi pala.”
Ganun pa man, handa naman daw silang dalawa na ibigay ang kinakailangan sa nasabing roles dahil parehas silang mga propesiyonal na aktres ni Glaiza. “Ang ganda rin kasi dahil bagong karanasan parehas ito para sa amin. Masarap siyang paglaruan. First time naming ipo-portray yung ganitong mga roles kaya enjoy kasi nga outside the box,” dagdag pa ni Marian.
Ang sikreto ng dalawang aktres para mas gumanda ang kanilang maging atake sa roles na ginagampanan nila ay nag-uusap muna sila bago ang take. “Pinag-uusapan naming dalawa kung paano namin gagawin, paano niya ako hahawakan, paano kami magtititigan nang hindi kami parehas na natatawa, paano yung tamang pag-deliver na mas magiging kapanipaniwala yung mga eksena, mga ganun. Ang maganda sa amin ni Glaiza, nagtutulungan kami.”
Kahit maituturing na “Eeew!” moments para kay Marian ang ilang eksena nila ni Glaiza sa The Rich Man’s Daughter, nalalagpasan nila ang pagkailang dahil nga mas pinaiiral nila ang pagiging propesiyonal nila. Aniya, “Naniniwala ako na ‘pag artista ka, walang imposible, lahat puwede mong gawin, alang-alang sa pag-arte.”