
“Not everyone’s given the opportunity to become a star. I’m willing to do sexy roles if I have to.” – Anya Aragon
Hindi akalain ng baguhang si Anya Aragon na agad-agad siyang papipirmahin ng kontrata ng Viva Films. Ang akala niya ay go-see lang nang magpunta sila ng manager at discoverer niyang si Jojo Veloso sa opisina ng nabanggit na film outfit.
Laking gulat nila na sa meeting nilang iyon ay magkakaroon agad siya ng offer na kontrata. At sa ilang araw pang lumipas ay Viva contract star na si Anya.

“Masaya siyempre. Parang… wow nandito na ako, Viva contract star na ako,” masiglang sabi ni Anya nang makausap ng psr.ph (Philippine Showbiz Republic).
“Hindi ko ini-expect na magiging ganito kabilis. At kung hindi dahil kay Tito Jojo, sa tulong niya…hindi ako mapagbubuksan kaagad ako ng ganitong opportunity. Kaya sobrang thankful ako na nakuha ako ng Viva. I mean, hindi lahat ay nabibigyan ng ganitong pagkakataon at ayokong sayangin ang tiwalang ibinigay nila sa akin.”
Five years exclusive contract ang pinirmahan niya sa Viva. Pagkatapos nito, kaagad ay pinag-workshop siya bilang paghahanda sa kanyang pagsalang sa kamera. Six films ang nakatakda niyang gawin sa Viva. At excited na raw si Anya dahil very soon ay mag-shoot na siya ng kanyang first movie kung saan introducing agad siya.
“Medyo kinakabahan po ako dahil first time ko to do a movie. Siguro normal lang ‘yong ganitong feeling sa isang baguhan na tulad ko. At the same time, sobrang excited din. Kasi matagal ko nang pangarap na maging isang artista. Tapos heto na nga, nandito na ako. So kailangang prepared talaga ako sa unang pagsalang ko sa acting field.”
“At ‘yon nga… pinaghahandaan ko na ito sa ngayon. Kailangang pagbutihin ko para maisulit ko ‘yong pagtitiwala na ibinigay sa akin ng Viva. ‘Yong family ko rin, sobrang happy sila. At saka proud sila na magiging artista na ako.”
Wala pang detalye na maibigay si Anya tungkol sa unang pelikulang gagawin niya. Hindi pa rin niya alam kung sino ang mga artistang makakasama niya.
“Basta ang alam ko pa lang, may pagka-comedy ang tema no’ng movie. And nai-excite ako na magsimula na kami ng shooting.”
Sexy image ang plano ng Viva na maging packaging niya. Mala-Ellen Adarna ang peg.
“Okey lang naman po sa akin ‘yon. Wala naman pong problema kung anuman ‘yong role na ibibigay nila sa akin. Kung sa sexy roles, e di sige. I’ll go for it. Siguro makakasanayan ko rin naman po kung ‘yon talaga ang magiging packaging ko, e.
At sa tingin ko ay kaya ko naman. At saka kumbaga, okey rin naman sa parents ko. I’m eighteen, nasa legal age na rin naman ako kung tutuusin. And… gusto ko rin talaga. Desisyon ko na mag-artista at willing ako kahit sa sexy roles man ako malinya.”
Bago siya nagdesisyong mag-artista at lumuwas ng Maynila, HRM student siya sa isang kolehiyo sa Bicol. Hindi ba siya nanghihinayang na kailangan niyang huminto sa pag-aaral to give way for her dream na pumasok sa showbiz?
“Naisip ko rin po iyon. Kaso, sayang naman ‘yong dumating na opportunity. E… gusto ko rin po na matulungan ang pamilya ko. Gusto kong mabigyan sila ng mas magandang buhay. At saka kahit nag-aartista ako, puwede ko pa rin namang ituloy ang pag-aaral ko. May mga artista naman na nagagawang pagsabayin ang kanilang career at pag-aaral.”
“So… siguro next school year, mag-enrol ulit ako. Dito na ako sa Manila mag-aaral. Bata pa naman ako. Ang education makakapaghintay pero hindi itong chance na dumating sa akin na maging artista,” panghuling nasabi ni Anya.