
Panahon Ng May Tama: #Comikilig pre-Valentine concert coverage
Sa bibihirang pagkakataon ay nagkasama-sama ang ilan sa mga mahuhusay na stand-up comedians ng bansa na sina Gladys ‘Chuchay” Guevarra, Ate Gay at ang fast-rising comedienne na si Boobsie Wonderland kasama ang sikat na radio DJ/expert love doctor ng Love Radio na si Papa Jack sa isang hit na pre-valentine show na may pamagat na “Panahon Ng May Tama: #Comikilig na naganap nitong February 13 sa Smart Araneta Coliseum. Dumagsa ang fans ng apat na nabanggit sa Big Dome. Hindi naman sila nabigo sa kanilang napanood lalo pa’t sulit ang kanilang ibinayad dahil siguradong hindi lang sila natawa kung hindi nag-enjoy din sila.
Bago pa man nag-umpisa ang palabas, nagkaroon muna ng maiksing skit ang mga front acts na maituturing nang mga beterano na ng comedy bars tulad na lang nina Dandan, Petite at Betty La Fea. Sila ang madalas na napapanood sa mga sikat na lugar gaya ng Klownz at Zirkoh. Umpisa pa lang ng skit ay talaga namang hagalpakan sa katatawa ang mga manonood dahil sa mga antics ng tatlo. Bilang pambungad na awitin ay kinanta nila ang powerful song ni Rihanna na “Where Have You Been?” to set the Smart Araneta crowd into concert-mode. Pagkatapos nilang umawit ay nagawa pa nilang makipagbiruan at makipaghalubilo sa audience gaya ng nakagawian na nilang gawin sa mga comedy bars. Inawit rin nila ang “Sirena” na orihinal na inawit nina Gloc 9 at Ebe Dancel. In fairness sa tatlo, makikitaan mo agad sila ng chemistry at swak na swak ang kanilang mga boses sa bawat awitin nila. Hindi rin sila nagsasapawan sa kanilang estilo ng pagpapatawa. Kaya naman, makikitang sobrang nag-enjoy ang mga manonood sa pagsisimula pa lang ng concert.
Sa opening number pa lang, nagpasabog na agad ang apat na featured artists sa kanilang respective costumes pa lang. Bongga ang unang production numbers na inspired ng Alice in Wonderland dahil may mga fairies at ilang magical creatures na mananayaw na kasama ang apat na bida ng show sa saliw ng isang medley na sinimulan sa “When You Wish Upon a Star.”
Ang radio DJ cum love expert na si Papa Jack ay nakasuot ng costume bilang si Mad Hatter, samantalang ang cute at bubbly na si Boobsie Wonderland naman ang siyang naka-costume bilang si Alice, si Gladys “Chuchay” Guevarra naman ay nakasuot bilang si Queen of Hearts na isang baraha at siyempre pa, hindi nagpahuli si Ate Gay sa suot nito bilang si Maleficent [Halaw sa Disney film na parehas ng titulo]. Kumanta sila at sumayaw sa isang musical medley na binubuo ng ilang awitin gaya ng “Forever Young” ng grupong One Direction, “Love Story” ni Taylor Swift at “We Are Young” na orihinal na inawit ng grupong Fun kasama si Janelle Monae.
Matapos ang kanilang electrifying opening song medley ay nagkaroon sila ng pag-uusap tungkol sa kanya-kanyang love life. Kinumusta rin nila ang audience, kung sino sa mga manonood ang masaya sa kanilang buhay pag-ibig, sino ang mga sawi, ang mga single at ang mga ‘bitter’ sa Valentine’s day. Ang ilan sa kanila tulad na lang ni Papa Jack at Boobsie Wonderland ay hindi halos makapaniwala na sila ay nasa entablado mismo ng Smart Araneta Coliseum. Pangarap daw kasi talaga ng bawat artist ang makapag-perform sa ganoon kalaking venue. Hindi man masasabing jampacked ang Smart Araneta, pero maraming tao rin ang nanoood sa kakaibang offer ng Panahon Ng May Tama: #Comikilig show. Dahil sa halip na concert lang na puro kantahan, ang palabas nila ay may halong katatawanan.
Unang sumalang bilang solo act ang radio DJ na si Papa Jack. “Hindi ako singer although nasanay na rin ako kahit paano na nagpe-perform sa mga series of shows ko sa Padis Point,” bungad ni Papa Jack sa mga manonood. “Ang pagkanta ko ay bahagi lang ng bayad sa akin ni Sir Joed [Serrano na siyang producer ng naturang show] kaya’t pagtiyagaan ninyo na lang ito,” biro pa ni Papa Jack. Dito ay ipinakita ni Papa Jack ang kanyang versatility bilang isang artist dahil tumutugtog din siya ng gitara habang umaawit siya ng “Kahit Maputi Na Ang Buhok Ko.” Sinundan niya ito ng kanyang sariling version ng Eraserheads’ Pare Ko kung saan hiniling niya sa mga manonood na sabayan siya ng mga ito sa pagkanta pagdating sa chorus. Bilang panghuli niyang awitin, kinanta rin ni Papa Jack ang acoustic version niya ng “Grow Old With You” na orihinal na inawit ng aktor na si Adam Sandler na unang sumikat dahil sa pelikulang “The Wedding Singer.” Pinatunayan ni Papa Jack na hindi lang ito magaling magbigay ng love advice, kung hindi mahusay rin itong performer. In fairness din kay Papa Jack, the guy can carry a tune at bigay na bigay din sa kanyang naging performance.
Kung mayroong isang bagong tuklas na talento sa gabing iyon, si Boobsie Wonderland ang siyang masasabing hit na hit rin sa mga manonood. Simple lang bumanat ng mga patawa ang chubby na bata-bataang komedyana pero sigurado naman na matatawa ka sa kanyang mga pa-cute na hirit. Una niyang inawit ang kanta mula sa cartoons na Strawberry Shortcake na “Cuppy Cake Song” with matching pabata na boses na minahal sa kanya ng madla. Sumunod na inawit naman niya ang “Can’t Smile Without You” at pagkatapos naman noon ay binanatan niya na ang kanyang pagkanta ng ilang awiting pinalitan ng lyrics bilang patawa. Kinanta ni Boobsie ang “Bahay Kubo” [na may halong ‘green jokes’] at ang isa pang awiting pambata na nilagyan din niya ng patawang lyrics na “Ako Ay May Lobo.” Hindi magkamayaw ang mga manonood sa mga patawa ni Boobsie.
[metaslider id=20329]
Pagkatapos ng panandaliang break ay muling lumitaw sa entablado sina Boobsie, Papa Jack at Gladys bilang si “Chuchay” para sa isang comedy sketch para sa DZTT love advice. Imbes na caller sa radio ay isang liham mula sa letter sender ang kanilang binasa na inaarte naman sa stage ng isa pang kilalang stand-up comedian sa katauhan ni Boobay. Kwelang-kwela rin si Boobay bilang isang babaeng dumulog ng problema sa radio na may halong mga patawa.
Sumunod na lumabas sa entablado para sa kanyang solo act si Ate Gay. Sexy ang damit nito na may gold at glittery fringes sa ibabaw ng isang tight-fitting white shorts at sleeveless. Sa hitsura pa lang ng kanyang costume ay talagang pinaghandaan niya ito. Hindi ito basta pakakabog ng ganun na lang sa mga kasama nitong comedians. Kilala si Ate Gay bilang kaboses ng Superstar na si Nora Aunor ngunit kamukha ni Vic Sotto. Matutuwa ang bawat nakapanood kay Ate Gay dahil likas na magaling ito. Witty at sadyang mabilis ang pickup ni Ate Gay lalo na sa pagmi-mix ng mga luma at bagong kanta. Sinimulan niya ang kanyang skit sa pag-awit ng Love Yourself ni Justin Bieber na noong kalaunan ay naging “Greatest Love of All” ni Whitney Houston. Pati ang ilang medley niya ng mga kantang “Sorry,” “Love Me Like You Do,” “Mahal Kita Pero,” “Flashlight,””Chandelier,” “Let It Go,” “Napakasakit Kuya Eddie,” “Let It Be,” “Waray-Waray” at kung anu-ano pang iba ay kinaya niyang paghaluin ang OPM songs na luma sa makabagong musika at ilang international popular songs.
Si Gladys naman ay wala pa ring kakupas-kupas ang kanyang portrayal ng batang makulit na si ‘Chuchay’ na kanya nang naging trademark character all through these years. Minahal ng publiko ang karakter na iyon at si Gladys lang ang maaaring makapagbigay noon sa masa. Click na click pa rin ang kanyang mga antics na kuhang-kuha pa rin ang pulso at kiliti ng mga manonood.
Namataan ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) na naging bahagi ng audience sina Diego ng GMA 7’s Bubble Gang, mag-asawang Romnick Sarmenta at Harlene Bautista at ilang mga kasamahan namin sa panulat.
Overall, masasabi namin na pihadong nag-enjoy ang lahat ng mga nanood dahil tunay na hindi matatawaran ang husay at galing sa pagpapatawa at pag-entertain ng mga manonood ang apat na talentong pinagsama sa gabing iyon. Hindi nagkamali ang producer na si Joed Serrano na bigyan ng pagkakataon na magsamasama ang apat na featured talents at hindi rin ito nagkamali na bigyan ng kakaibang klase ng saya at Valentine show ang mga manonood. Wala kasing itulak-kabigin sa mga talentong nagsipaganap noong gabing iyon. Lahat sila pawang magagaling, wala kang itatapon ‘ika nga.
Mula sa Philippine Showbiz Republic (PSR.ph), congratulations sa mga bumubuo ng concert na ito gayun din sa mga featured artists at guests!
Maraming salamat din sa kasamang si Roldan Castro dahil kami ay kanyang biniyayaan na mapanood ang nakaaaliw at nakakatuwang pre-Valentine concert na ito. Happy Valentine’s Day to all!