
Pancho Magno wants to make a name for himself in showbiz
Simula’t sapul, hindi itinatago ng Kapuso hunk actor na si Pancho Magno na anak siya ng GMA executive at Channel 7 AVP for Drama na si Redgie Magno. Dahil dito, hindi maiiwasang maakusahan siya na kaya lang siya nagkakaroon ng proyekto sa Kapuso network ay dahil sa ina.
Ano ang masasabi mo rito?
“Noon pa mang pumasok ako sa showbiz, expected ko na na may maririnig akong ganito na kesyo may nepotism daw kaya nakapasok ako sa GM,” aniya. “Everything that I do kasi parang nakasalang sa microscope. Mahirap man na ang bawat gawin ko’y laging naka-konekta sa Mom ko pero naiintindihan ko,” dugtong niya.
Hindi ka ba napre-pressure na anak ka ng isang influential TV executive?
“Actually, I’m proud na anak niya ako. Kahit naman saang larangan, mapa-entertainment, sports at politics, merong ganyan. Actually, hindi ako nahihiya dahil sobra ang suporta niya sa akin. Ako kasi, I’m basically a shy person pero iyong mom ko, matagal na siya sa industriya. Happy ako na siya iyong nagga-guide sa akin. Kung paano makibagay, huwag ma-late, maging professional. Kapag may ginawa nga ako, tulad ng pelikula kong “Tomodachi,” siya iyong unang tinatanong ko like, ‘Mom, nagustuhan mo ba iyong acting ko?,’ Siya yung numero unong sumusuporta sa akin. She’s always been my number one fan. But in my case, I really want to make a name for myself. Hindi lang maiiwasan na nandiyan ang mom ko na naging part na ng career ko kahit noong nagsisimula pa lang ako. Yun namang tungkol sa mga projects na nakukuha ko, in fairness naman, pinaghirapan ko talaga ang mga iyon,” aniya.
Ano ang ginagawa mo para mabura ang public perception na isa kang anak ni Ms. Redgie Magno?
“Hindi naman maiaalis iyon, pero ako talagang nag-e-effort ako to improve and be better in my craft. Nag-wo-workshop ako. Nagre-research ako kapag merong role na ibinigay sa akin para prepared ako kung paano siya bibigyan ng tamang atake. Mahilig kasi akong manood ng movies kaya sa mga actors natin nakakakuha ako ng tips sa kanila kung paano ipo-portray iyong role ko.”
Papel ng batang Eddie Garcia ang ginagampanan ni Pancho Magno sa “Tomodachi” ng Global
Japan Productions, Inc. na pagmamay-ari ni Jacky Woo.
“Actually flattered nga ako nang malamang iyong role ko pala ay batang Eddie Garcia na best friend ng karakter ni Jacky (Woo) sa pelikula. Sayang nga lamang at hindi kami nagka-eksena ni Tito Eddie. Noon kasi, pinapapanood ko talaga ang mga pelikula ni Tito Eddie at kahit papaano nakuha ko naman iyong porma niya dahil si Tito (Eddie) ay nag-aksyon din at sumabak sa drama,” paliwanag niya.
Biggest movie break ni Pancho ang “Tomodachi.”
Overwhelmed din siya dahil base ito sa tunay na buhay.
“Feeling ko, naging part na rin ako ng history. True story kasi itong movie. Nangyari siya noong time ng Japanese era. Iba talaga ang experience dahil historical siya. At saka si Direk Joel Lamangan, bago pa ako isalang, doon palang pinaghandaan ko na ang lahat. Dami kong natutunan, sobrang dami sa director ko at mga kasamahan sa pelikula,” pagwawakas ni Pancho.
Ang “Tomodachi” ay nagtatampok din kina Jacky Woo, Bela Padilla, Lui Manansala, Hiro Peralta, Jim Pebanco, Tony Mabesa at marami pang iba. Ito ay mula sa direksyon ni Joel Lamangan.
Si Pancho ay nakapagbida na rin sa GMA-7 teleseryeng “Magdalena” kung saan isa siya sa mga naging leading men ni Bela Padilla.