
Pang best actor—Ceasar Soriano praises John Estrada
Kilalang may paninindigan at walang inuurungan ang dating Mayor ng Tanauan, Batangas na si Antonio “Thony” Halili. Bago ang kanyang kamatayan, nakapanayam s’ya ng veteran broadcaster at director Ceasar Soriano tungkol sa pagsasapelikula ng kanyang buhay.
Nabuo ang pelikula at hanggang ngayon ay pahulaan pa rin kung sino ang nag-utos na barilin s’ya sa mismong flag ceremony.
Nilinaw ng direktor na hindi ito isang political propaganda. Maganda raw ang kanyang intensyon na ipakita sa publiko kung gaano kakulay ang buhay ni Mayor Halili.
Ang bidang si John Estrada (bilang Mayor Halili) ay sinabing tinanggap nya ang pelikula dahil sa kwento at malinis na intensyon ng direktor. Hindi raw nya ito tatanggapin kung may bahid pulitika.
Sa ‘The Last Interview: The Mayor Antonio Halili Story,’ ipinakita ang buhay ng namayapang Mayor ng Tanauan —mula sa pagiging lapitin ng away at gulo noong kabataan n’ya hanggang sa journey n’ya bilang isang public servant.
Gumanap bilang batang “Thony” si Noel Comia habang si Martin Escudero naman ang gumanap bilang binatang “Thony.” Kagaya ng paalala ng kanyang ina na ginampanan ni Yayo Aguila, dapat syang umiwas sa gulo dahil ito ang magpapahamak sa kanya. Ngunit ang kanyang ama naman ang nagsasabi na dapat ay maging palaban at may paninindigan, na ginampanan ni Mon Confiado.
Mahusay ang pagkakaganap ng mga artista. Lalo na ang bidang aktor na nagpakita ng tahimik at may pusong akting. May mga scene na hindi kailangang magbitaw ng dialogue at sa mata at facial expression lang ni John ay talaga namang hinangaan s’ya. Nakuha rin n’ya ang mannerism ng dating Mayor na mismong si John ang nagresearch at nagtanong sa butihing asawa ni Mayor Halili na si Ms. Gina Halili.
“John is a very good actor. He knows what he’s doing. Pang best actor talaga,” pahayag ng director-producer.
Bukod kay Estrada, hinangaan din ng mga nakapanood ang directing style ni Soriano. Maganda ang pagkakalahad ng istorya at hindi minadali ang video and sound editing. Napatunayan nyang may mata sya sa pelikula.
Showing na sa May after ng election ang ‘The Last Interview: The Mayor Antonio Halili Story.’ Produced and directed by Ceasar Soriano.