
Is Paul Salas waiting for his new love team after Mika dela Cruz transferred to GMA?
Kasama si Paul Salas sa latest offering ng Star Cinema na Dear Other Self. Gumaganap siya rito bilang nakababatang kapatid ng bida sa pelikula na si Jodi Sta. Maria.
“Ako po rito yung matigas ang ulo at makulit na kapatid ni Ate Jodi. Tapos nabuntis ko po rito yung girlfriend ko,” sabi ni Paul nang makausap namin sa grand presscon ng Dear Other Self.
Naka-relate si Paul sa pagka-makulit ng kanyang role sa pelikula dahil sa totoong buhay ay ganun din siya.
“Makulit din po ako sa totoong buhay pero mabait naman po ako. Minsan po nambu-bully ako.”
Sa ngayon ay wala pang bagong serye sa ABS-CBN 2 si Paul. Ang huling serye na ginawa niya sa Kapamilya network ay ang ‘You’re My Home” na nakapareha niya rito si Mika dela Cruz. At dahil sa seryeng ito ay nabuo ang kanilang loveteam. Pero hindi na nasundan ang pagtatambal ng dalawa, dahil lumipat si Mika sa GMA 7.
Ayon kay Paul, may panghihinayang din sa kanya na hindi nagtuloy-tuloy ang loveteam nila ni Mika.
“Pero talaga naman pong ganun, may mga bagay na hindi maiiwasan na nangyayari. Tulad nga po na lumipat na si Mika sa GMA 7. Iginagalang ko naman po ang naging desisyon niya. Siguro sa tingin niya mas maggo-grow ang career niya run. Masaya naman po ako for Mika.”
Magkakaroon ba siya ng bagong ka-loveteam?
“Wala pa naman pong sinasabi sa akin ang management. Bahala na po sila kung ano ang plano nila para sa akin. Kung bibigyan po nila ako ulit ng ka-loveteam, okey lang po sa akin. Kung hindi na, okey lang din po.”
Maganda ang pangangatawan ngayon ni Paul, wala na ang baby fats niya, may abs na siya ngayon bunga ng pagwo-work-out.
“Nung wala po akong masyadong trabaho, naisip ko po na bakit hindi ko pagandahin yung sarili ko, kung ano yung gusto ko talaga, like ayun nga, mag-work-out, mag-basketball.”
Noong nagpost si Paul sa kanyang social media account ng kanyang magandang pangangatawan ay nagging viral ang larawan.

“Actually, hindi ko po talaga planong i-post yun. E, sila daddy at yung mga kaibigan ko, pinipilit nila ako. Sabi nila, ‘Sige na post mo para may makita silang iba sayo.’ Sabi ko, sige it-try ko, bahala na kung magkaka-bashers man ako o ano, sasabihin mayabang ako. Pero nakakatuwa, dahil marami naman po ang nagkagusto sa bago kong katawan. Wala namang nam-bash sa akin,” natatawang pagtatapos ni Paul
Ang Dear Other Self ay mula sa direksyon ni Veronica Velasco. Showing na ito sa Wednesday, May 17.