
PBA Superstar Gary David’s knack for comedy showcased in “No Harm, No Foul”
By Archie Liao
Proud si Gary David na mapasama sa pinakabagong Sunday primetime sports-oriented sitcom na “No Harm, No Foul” ng TV 5.
“Masaya siyang gawin dahil sitcom siya [show] at kakaiba dahil may temang sports,” aniya. Saad pa ni Gary, isang challenge sa kanya ang makasama sa isang sitcom dahil maipakikita niya ang knack niya for comedy. Kilala kasi si Gary ng kanyang mga kasamahan sa koponan ng Meralco Bolts bilang masayahing tao at malakas ang sense of humor. Kapag nakakaramdam ng stress ang kanyang mga ka-tropa, nagagawa pa rin ni Gary ang magbiro para bigyan ng moral support ang grupo lalo na kung may laban sila. Narito ang maikling panayam ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) kay Gary:
Tinitingala ka sa sports, hindi ka ba natatakot na mabawasan ang respeto sa iyo ng mga tagahanga mo o sumusubaybay sa iyo sa pagpasok mo sa showbiz?
“Hindi naman. Wala naman kasing halos ipinagkaiba ang sports at showbiz. Iba naman iyong nagpapatawa ka at nagmumukhang katawa-tawa. Pero, kung anuman ang gingagawa namin dito sa sitcom, I hope na ma-enjoy siya ng mga viewers dahil kakaibang larangan siya para sa amin,” pahayag niya.
Dagdag pa ni Gary, isang outlet din ang bagong sitcom niya upang maipakita niya ang kanyang galing sa pagsasayaw kahit pahapyaw lang. “Dating dancing MMDA policeman ang ginagampanan kong papel dito na naging recruit ni Jawo (played by Ogie Alcasid) sa kanyang team,” kuwento niya.
Bagamat hindi siya sasabak sa ballroom dancing tulad ng ginawa niya noon nang maging contestant siya sa ‘Celebrity Dance Battle’ kapareha si Steff Sabalo kung saan naging host si Lucy Torres Gomez noong isang taon, may mga pasampol daw naman sa programa para mai-showcase ang kanyang galing sa pag-indak.
Si Gary ang love interest ng FHM model na si Valeen Montenegro sa “No Harm, No Foul.”
Si Gary David ay tinaguriang El Granada or Mr. Pure Energy ng hard court at isa sa mga best scorers of all time sa PBA.
Ang “No Harm, No Foul” ay mapapanood tuwing Linggo ng gabi sa ganap na alas-8 ng gabi sa TV5 at nagtatampok din kina Ogie Alcasid, Randy Santiago, Yoyong Martirez, Kiefer Ravena, Beau Belga, Willie Miller, Long Mejia, Eula Caballero, Sophie Albert at Tuesday Vargas.