
“Perform as if it’s your last.” – Vice Ganda
by Roldan Castro
Iniiwasan nila Vice Ganda at Kris Aquino ang isyung may tampuhan sila dahil sa pag-aagawan nila ng t-shirt. Nagulat daw si Vice na pagbalik niya galing New York ay may isyung sumalubong sa kanila ni Kris.
“Gusto kong malaman kung kanino nanggaling iyan. Kasi, sa source pa lang, malalaman na natin kung totoo iyan o hindi,” bulalas ni Vice sa intimate dinner niya sa press kasama na ang Philippine Showbiz Republic (PSR).
“Kasi, unang-una, bago ako umalis ng Pilipinas, si Kris ang kasama ko. Pagdating ko ng Pilipinas, si Kris din ang dapat sasalubong sa akin, hindi lang natuloy. Ano ba, ang cheap-cheap naman nu’n. Ni wala nga kaming pinag-usapan about that. Wala kaming dapat klaruhin, as in wala! Never kaming nag-away, never kaming nagsitahan. Ano ba, ang dami-daming nagpapalabas ng t-shirt at saka ng website? Ang dami-daming artistang may website. Hindi ko alam. Kung meron mang naglabas ng isyung ‘iyan, nadamay lang ako,” paglilinaw ni Vice.
Sa kanya ba talaga ‘yung statement t-shirts na sinasabi ngang inagaw ni Kris?
“Hindi ko alam kung kailan siya nakaisip nu’n. Alam ko, idea ko ‘yon, pero hindi ko rin alam kung kelan at saka, wala naman na akong pakialam kung maglabas siya.”
Hindi ba siya naloka kung naglabas din ng t-shirt si Kris?
“Hindi. Ano ba, si Amy Perez, ang tagal-tagal nang naglalabas ng t-shirt, kapanahunan pa ng Esep-Esep. Si Tado, may ganyan din dati, ano ba? Ang daming naglabas na ng t-shirt. ‘Yung website, ang daming may website gaya ni Anne Curtis,” pakli pa ni Vice.
Anyway, abala ngayon si Vice sa kanyang malaking pasabog sa Smart Araneta Coliseum para sa kanyang concert na ‘Vice Gandang-Ganda sa Sarili. . .Sa Araneta E Di Wow!’ sa May 22.
Apat na production numbers lang daw ang gagawin niya sa concert pero lahat ito ay major at sobrang effort. Parang pang-opening at pang-finale ang dating kaya sobrang stress siya.
Ginastusan din daw ng husto ang kanyang concerts.
“Mamaya, huli na ‘to, e, di ibigay ko na. Hindi, kasi hindi naman natin alam, di ba, kung huli na or hindi? Sabi nga, ‘perform as if it’s your last,’ kaya todo na,” deklara pa niya.
Ilan sa makakasama niya sa production numbers sa kanyang papalapit na concert ay sina Vhong Navarro, Billy Crawford at James Reid.