
“Petmalu” director clears issue on copying idea
Palabas na ngayon sa mga sinehan ang pelikulang Petmalu na pinangungunahan ng mga young star na sina Marlo Mortel, Diego Loyzaga, Vivoree Esclito, Karen Reyes, Charles Kieron, Vitto Marquez at Brian Gazmen. Kuwento ng buhay ng mga kabataan sumsentro ang kabuuan ng pelikula.
Maraming leksyon na matututunan sa pelikula lalo na ‘yung mga kabataan ngayon. Maging ang mga kabataan noon na pinagdaanan ang lungkot at saya ng mga panahong hindi pa alam kung ano ang magiging kapalaran sa buhay ay para rin sa kanila ang pelikula.
Bukod sa mga bagets na mga bida sa pelikula, kasama rin sina Yayo Aguila, William Martinez, Sue Prado, Richard Quan, Mitoy Yonting, Marissa Sanchez, Ronnie Liang, Dennis Padilla, Irma Adlawan, at Arlene Muhlach sa Permalu.
Ito ay sa direksiyon ng aming kaibigang si Joven Tan na kontrobersiyal ngayon dahil sa isa pang pelikula niya na malapit nang ipalabas.
Ang tinutukoy namin ay ang pelikulang Wander Bra na pinagbibidahan nina Myrtle Sarrosa, Kakai Bautista, Gina Pareno at Zeus Collins na showing na sa September 12.
Kinopya umano ang konsepto nito. Bagay na inalmahan ni Direk Joven.
Sa kanyang Instagram at Facebook account, ipinost ng direktor ang kaniyang saloobin tungkol sa ipinaparatang sa kaniya.
Ipinagtanggol niya ang kaniyang sarili kasama ang screen shot ng script na kaniyang ginawa noon pang 2012.
“Para lang sa kapanatagan ng loob ng ilang tao. Clear ko lang po. Matagal na pong nagawa ang script at screenplay ng wander bra at ngayon lang po ito naisapelikula. Hindi po yata fair na sabihin na may “nang-agaw” ng idea ng iba. April 16 po ang sinasabi ninyong brainstorming ng idea, year 2012 pa po, may script na ang wander bra. Lahat tayo nagsimula bilang baguhan, masakit maagawan ng idea pero mas masakit ang mapagbintangan sa hindi mo naman ginawa. Hope sa post na ito, matapos na ang lahat. Salamat.”
In fairness kay Direk Joven, matagal na namin itong kakilala at kaibigan. Nakatrabaho na rin namin siya sa ilang proyekto at naniniwala kami sa kaniyang paliwanag. Wala sa bokabularyo niya ang mangopya ng idea ng iba dahil malawak ang kaniyang kakayahan sa paggawa ng kuwento ke pelikula man yan o ibang bagay.