
Pinay dance champ with disability featured in ‘MPK’
Tampok sa brand new episode ng real life drama anthology na #MPK o Magpakailanman ang buhay ng dance sport champion na si Lairca Nicdao.
Anim na taong gulang pa lang si Lairca nang maputulan siya ng binti dahil sa sakit na bone cancer.
Dahil dito, naging tampulan siya ng tukso sa kanilang paaralan.
Isang araw, iimbitahan siya ng technician na nag-aayos ng kanyang prosthetic leg na subukan ang Para Dance Sport, isang uri ng competitive dancing para sa mga may kapansanan.
Ang technician na ito ay si Julius Jun Obero na isang multi-champion sa sport at magiging team mate pa ni Lairca.
Sa edad na 17, sasali siya sa unang pagkakataon sa 2019 World Para Dance Sport Championships sa Bonn, Germany.
Maiuuwi naman ni Lairca ang gold medal sa women’s junior single class 2 event ng kumpetisyon.
Pero bago maging world champion, ano nga ba ang naging buhay ni Lairca?
Tunghayan ang kanyang buhay sa bagong episode na pinamagatang “Sayaw ng Buhay: The Lairca Nicdao Story,” ngayong Sabado, October 24, 8:15 pm sa Magpakailanman (#MPK).