
PPP features six award-winning films
Maliban sa walong pelikulang kasali sa full-length feature at short films categories (Sine Kabataan) ng ikalawang edisyon ng Pista ng Pelikulang Pilipino (PPP) ng Film Development Council of the Philippines na nasa pamumuno ng FDCP Chair na si Liza Diño- Seguerra, mapapanood din ang anim na award-winning films sa buong festival.
Ang anim na pelikulang ito na pasok sa Special Features section ng PPP ay kinabibilangan ng mga pelikulang wagi sa iba’t-ibang film festivals.
Ito ay ang mga sumusunod:
“Balangiga: Howling Wilderness” ni Khavn Nicolas de la Cruz. Ang naturang pelikula ay nagwagi bilang Best Picture sa Gawad Urian 2018 ng Manunuri ng Pelikulang Pilipino (MPP at best picture sa 66th Famas awards.Itinanghal din itong best picture sa 2017 QCinema International Filmfest.
“High Tide” ni Tara Illenberger. Naging kalahok ito sa 2017 ToFarm Film Festival at nag-uwi ng best picture sa nasabing film festival. Ito ay pinagbidahan nina Arthur Solinap, Dalin Sarmiento at Sunshine Teodoro.
“Gusto Kita with All My Hypothalamus” ni Dwein Baltazar. Naging opisyal na kalahok ito sa 2018 CineFilipino filmfest at nag-uwi ng best ensemble acting at second best picture sa nabanggit na filmfest.
“Kiko Boksingero” na idinirek ni Thop Nazareno para sa 13th Cinemalaya Philippine Independent Film Festival. Pinagbidahan ito nina Noel Comia, Jr., Yayo Aguila at Yul Servo. Dito rin nagwagi ng acting awards sina Comia, Jr. (best actor) at Aguila (best supporting actress).
“Paki” ni Giancarlo Abrahan na itinanghal na Best Picture sa 2017 Cinema One Original. Pinagbidahan ito nina Dexter Doria, Shamaine Buencamino at Eula Valdez. Nagbigay ito ng best supporting actor trophy kay Ricky Davao at pinangalanang best picture noong nakaraang taon sa nabanggit na filmfest.
“Tu Pug Imatuy (The Right to Kill”) ni Arnel Barbarona na itinanghal na best director sa 2018 Gawad Urian at 66th Famas awards. Si Barbarona ay tagapagtaguyod ng Mindanaoan regional cinema.
Ang Pista ng Pelikulang Pilipino ay tatakbo mula Agosto 15 hanggang 21.