
QCinema 2016 unreels on October 13
Aarangkada ang 2016 QCinema film festival na idaraos mula Oktubre 13 hanggang 22 sa mga piling sinehan sa Quezon City.
Pitong pelikula ang kalahok sa mga full-length films category ng ika-apat na edisyon ng Quezon City International Film Festival. Ito ay “Patay na si Hesus” ni Victor Kaiba Villanueva, “Ang Manananggal sa Unit 23B” ni Prime Cruz, “Baboy Halas” ni Bagane Fiola, “Best Partee Ever” ni Howard Yambao, “Hinulid” (The Sorrow of Sita) ni Kristian Sendon Cordero, “Purgartorio” ni Derick Cabrido at “The Women of the Weeping River” ni Sheron Dayoc.
Ang“Gusto Kita With All My Hypothalamus” ni Dwein Baltazar ay hindi na kasali sa Circle Competition dahil nag-back out na ang filmmaker nito dahil hindi nito matatapos ang kanyang pelikula sa itinakdang deadline ng festival organizers.
Star-studded ang festival ngayong taon dahil tampok dito ang Superstar na si Nora Aunor, ang Cannes best actress na si Jaclyn Jose, Ryza Cenon, Martin del Rosario, JC De Vera, Mercedes Cabral, Bernardo Bernardo, Kristoffer King, Mara Lopez, Lou Veloso, Arnold Reyes, Jess Mendoza at marami pang iba.
Ang “Patay na si Hesus” ay isang Cebuano road movie tungkol sa ‘journey’ ng mag-iina from Cebu to Dumaguete para dumalo sa libing ng kanilang ama.
Ang “Manananggal sa Unit 23B” ay tungkol sa isang manananggal in the city na umibig sa isang lalakeng sawi sa pag-ibig.
Ang “Baboy Halas” ay tungkol sa isang ‘lumad’ na ang kaligtasan ng pamilya ay nanganib sa pagpapakita ng mahiwagang baboy ramo na malapit sa engkantadong talon sa kanilang nayon.
Ang “Best Partee Ever” ay kuwento tungkol sa mga kaganapan sa isang city jail ayon sa pananaw ng isang bata pero discreet gay na nagmula sa nakaririwasang pamilya bilang lider ng isang grupo ng gay inmates na tinawag na “Gang-da”.
Ang “Hinulid” (The Sorrow of Sita) ay pagtalakay sa isang alamat o mito sa mga Tagalog o Bikolano tungkol sa isang inang umuwi para ilibing ang kanyang anak sa Cagbunga sa Camarines Sur, isang nayon na pinamumugaran ng Tolong Hinulid (Three Dead Christs).
Ang “Purgatoryo” ay tungkol sa kuwento ni Ilyong, isang lalakeng napatay ng mga pulis habang nagnanakaw. Sa kanyang pagkamatay, mabubunyag at masusuri ang kanyang naging relasyon sa isang gambling lord, isang pulis, isang funeral parlor owner at sa dalawang kasambahay.
Ang “Women of the Weeping River” ay tungkol sa pagkakaibigan nina Satra, isang balo sa Katimugang Mindanao at Farida, isang matandang babae sa kanayunan na layuning tulungan ang unang maitaguyod ang usapang pangkapayapaan sa isang pamilyang hindi niya kapanalig.
Sa short film category naman ay tampok ang walong finalists na “Hondo” ni Aedrian Araojo, “If You Leave” ni Eduardo Dayao, “Kung Saan May Naiwan” nina Joshua Joven at Kaj Palanca, “Nang Lumipad ang Barang Agila” ni Mihk Vergara, “Padating” ni Gabrielle Tayag, “Papa’s Shadow” ni Inshallah Montero, “Sayaw sa Butal” ni Victor Nierva at “Viva, Viva Escolta” ni Janus Victoria.
Sa kategoryang “Asian Next Wave”, tampok ang mga pelikulang “Apprentice” ni Boo Junfeng (Singapore), “By the Time It Gets Dark” ni Anocha Suwichakornpong (Thailand), “Old Stone” ni Johnny Ma (China-Canada), “Singing in Graveyards” ni Bradley Liew (Philippines-Malaysia), “Solo, Solitude” ni Yosep Anggi Noen ( Indonesia) at “Woven Wings of Our Children” ni Anton Juan (Philippines).
Sa Screen International section, kaabang-abang ang mga pelikulang “Godless” ni Ralitza Petrova (Bulgaria), “The Handmaiden” ni Park Chan-wook (South Korea), “Headshot” nina Timo Tjahjanto at Kimo Stamboel (Indonesia), “I, Daniel Blake” ni Ken Loach (United Kingdom), “One Week and a Day” ni Asaph Polonsky (Israel), “The Ornithologist” ni João Pedro Rodrigues (Portugal),“The Teacher” ni Jan Hřebejk (Czech Republic),“Under the Shadow” ni Babak Anvari (Iran) at “Seoul Station”, ang prequel sa “Train to Busan” ni Sang-ho Yeon (South Korea).
Magkakaroon din ng tribute sa Polish filmmaker na si Krzysztof Kieślowski sa pamamagitan ng pagpapalabas ng kanyang Colors trilogy na “Blue”, “White” at “Red”.
Tampok na naman sa kategoryang RainbowQC ang mga LGBT films na “Spa Night” ni Andrew Ahn (USA), “#BKKY” ni Nontawat Numbenchapol (Thailand), “Kiki” ni Sara Jordenö (USA-Sweden) at “Jonathan” ni Piotr J. Lewandowski (Germany).
Sa Back Throwback, ang dalawang digitally-restored films na “Kasal” ni Laurice Guillen at “Haplos” ni Butch Perez ang mapapanood.
Sa Cinema Rehiyon section, mapapanood ang mga regional films na “Mindanao Rising”, “Across Luzon and Visayas”, “Ilonggo Tales of Horror and Imagination” at “Superpsychocebu” ng Cebuano filmmaker na si Chrisian Linaban.
Sa Pinoy Spotlight section naman ay tampok ang “Blanka” ni Kohki Hasei (Japan) at “Area” ni Louie Ignacio (Philippines).
Ang tatlong obra naman ni Mike de Leon na “Kung Mangarap Ka’t Magising”, “Hindi Nahahati ang Langit” at “Kakabakaba Ka Ba?” ang tampok sa Focus on Mike de Leon.
May mga libre ring film seminars na idaraos sa nasabing international filmfests na gaganapin sa (QCX) Mini Theater.
Ang 2016 QCinema International Film Festival ay idaraos sa Trinoma Cinemas, Gateway Cineplex, Robinsons Movieworld Galleria, UP Town Center Cinemas at sa QCX Museum sa Quezon Memorial Circle.
Ang QCinema ay isang taunang film festival na itinatag at iprinudyus ng Quezon City Film Development Council na layuning palaganapin at paigtingin ang sining at kultura sa lungsod ng Quezon.