
Real-life “Darna” no plans of entering politics
Masaya si Angel Locsin dahil after almost 15 years ay napanood ng libre ng publiko via live streaming ang pelikulang I Will Always Love You na pinagtambalan nila ng Ultimate Heartthrob na si Richard Gutierrez.
Ani Angel, maraming magandang alaala raw ang pelikula dahil iyon ang kauna-unahan niyang pelikulang kinunan pa sa Estados Unidos.
May special spot din daw ito dahil ito ay isa sa nagpatibay ng love team nilang Chardgel ng aktor.
Sinabi rin niya na sobra siyang thankful dahil nananatiling malusog ang kanyang pamilya sa gitna ng pandemic.
Hirit pa niya, mapalad pa mga raw silang mga artista kung ihahambing sa mga ordinaryong tao dahil nakakakain sila nang maayos habang ang iba ay hindi alam kung paano idaraos ang kanilang maghapon.
Patuloy ding pinupuri ang walang kapagurang actress sa kanyang pag-aala Darna sa pagtulong sa krisis na dala ng COVID- 19.
Sa programa niyang #UniTentWeStandPH, nakapagpatayo na siya ng maraming shelter na pansamantalang tinirhan ng mga frontliner at mga pasyente.
Ginagawa niya ito para maiwasan ang overcrowding ng coronavirus patients sa mga ospital.
Dahil sa pagiging consistent ng aktres sa pagtulong, marami tuloy ang umuudyok sa kanya na subukan ang politika.
Katunayan, kung tatakbo raw ito ay marami itong patataubing pulitiko pagdating sa public service.
Isang netizen ang nagtanong sa kanya kung may balak ba siyang pasukin ang nasabing larangan dahil kung tutuusin daw ay pasok siya sa pagkasenador.
Gayunpaman, nilinaw niya na wala siyang planong suungin ang pulitika.
“Public servant naman po kami bilang mga artista, e. I think ‘yung buhay naman namin is very public. Lahat naman ‘to ginagawa namin, hindi lang para sa sarili namin, kung ‘di gusto namin magbigay ng entertainment sa mga tao,” sagot niya.
“Pero, politics? Hindi talaga. Sobrang hindi. Wala sa utak ko ‘yun,” dugtong pa niya.