June 13, 2025
Rising star Sean De Guzman lands a teleserye role
Latest Articles

Rising star Sean De Guzman lands a teleserye role

Jan 25, 2021

Entertainment Editor – Josh Mercado


AMINADO si Sean De Guzman na hanggang ngayon ay halos hindi pa rin siya makapaniwala na bida na siya sa pelikula.

At ngayon nga ay kasama na rin s’ya sa isang upcoming teleserye.

Ang Clique V member na si Sean na nasa pangangalaga ng 3:16 Events and Talent Management ng talent manager na si Ms. Len Carrillo ang bida sa forthcoming movie na Anak ng Macho Dancer na pinamahalaan ng premyadong direktor na si Joel Lamangan.

Aniya, “Hanggang ngayon nga po, parang hindi pa rin ako makapaniwala na sa tagal ng paghihintay ko, darating din talaga… Basta dasal lang po talaga ang ginawa ko, sobrang effective po.”

Ang digital premiere ng Anak ng Macho Dancer ay thru KTX streaming platform sa January 30, 9-11 pm.

Bukod kay Sean, tampok din sa pelikula sina Jaclyn Jose, Allan Paule, Jay Manalo, Emilio Garcia, Rosanna Roces, at iba pa.

Kaabang-abang daw ang eksena nila ni Jay rito, ano ang reaction niya?

Tugon ni Sean, “Opo, kaabang-abang… dapat talagang abangan po iyon, sobrang daring kasi, alam nyo na…”

Sa palagay ba niya ay mapapansin ang acting niya rito?

“Sa palagay ko naman po, kasi ang pelikulang ito naman ay hindi kabastos-bastos kapag pinanood ninyo.

“May story po ang pelikula, hindi lang siya basta parang hubaran… May mapupulot din pong aral, may moral lessons sa pelikula, kaya sana ay ma-nominate rin ako rito,” nakangiting lahad ni Sean.

After Anak ng Macho Dancer, gagawa pa rin ba siya ng sexy movies?

“Kung mayroon man po, okay lang, basta maganda iyong istorya ng pelikula.”

Okay lang ba kung malinya siya sa sexy projects? “Okay lang po, as long as may trabaho po tayo.”

Pahabol pa ni Sean, “Pero siguro po, ayaw ko naman na palaging hubaran ang project ko, ayaw ko pong ma-type cast sa mga ganoong project.” 

Anyway, congrats kay Sean dahil pumirma siya ng 10 picture movie contract sa Viva Films. Ito ang napag-alaman namin sa nanay-nanayan at manager ni Sean.

Lahad ni Ms. Len, “Pumirma si Sean sa Viva ng 10 guaranteed movies in five years, kaya sobrang happy ko for Sean. Deserve talaga niya, dahil four years ang inantay niya or namin.”

Leave a comment