
Ritz Azul confirms she’s NBSB
Hanggang ngayon, pinaninindigan ng Kapamilya actress na si Ritz Azul na sa edad na 24 ay NBSB pa rin siya o no boyfriend since birth.
Pero, hindi na raw bago sa kanya ang pagpapa-seksi at kissing scenes dahil kahit noong nasa TV5 pa siya at nang lumaon ay lumipat sa Dos, ilang beses na raw siyang nagkaroon ng kissing scenes sa kanyang leading men.
“Iba naman iyong pagpapa-sexy at iba rin naman iyong kissing scene sa teleserye at pelikula dahil parte siya ng trabaho,” sey ni Ritz.
“Noong una, noong nasa TV5 pa ako, kinabahan talaga ako kaya ang sabi ko sa leading man ko, ‘alalayan mo ako’. Pero nang lumaon, nang lumipat ako sa Dos, nasanay na ako,” pahabol niya.
Gayunpaman, hindi raw nagmamadali si Ritz na magkaroon ng nobyo dahil naniniwala siyang darating din ito sa tamang panahon.
“Actually, hindi lang siya priority sa akin. Darating din naman siya kahit hindi ko hinahanap,” pahayag niya.
Tinawanan din niya ang mga sitsit na lumutang na kaya wala pa siyang nobyo ay dahil lesbyana siya.
“Hindi naman porke’t wala pang boyfriend, lesbyana agad. I think, hindi ko pa lang natatagpuan iyong para sa akin,” depensa niya.
Nilinaw din niya na hindi siya na-trauma o nasaktan sa pakikipagrelasyon kaya hindi pa siya napapabalitang nagkanobyo.
“Darating din naman ako roon. Lumaki kasi ako na hindi lang siya priority. Actually, bahay-eskuwela lang ang nakagisnan ko. Kahit noong high school ako, hindi siya ang naging buhay ko. Actually, minsan, kalaro ko pa sila ng basketball,” aniya.
Hirit pa niya, kung magkakanobyo siya, ayaw daw niya ng fling kundi pangmatagalang relasyon.
“Iyong pagpasok sa isang relasyon is a big responsibility for me. Kung mai-involve ako sa isang tao, gusto kong maging dedicated sa kanya tulad ng dedikasyon ko sa aking trabaho,” bulalas niya.
Hindi naman niya ikinaila na sa kasalukuyan ay may suitor siya pero nasa ‘dating stage’ pa lang daw sila at wala pang seryosohan.
“Actually barkada kami. Dating pa lang at wala pa akong sagot. Pareho kami ng wavelength. Ako naman, cowboy kasi ako. So nag-start kami as barkada. We go out but mostly kasama ang friends. Ako naman kasi, sinasabi ko na ito ang priorities ko. Kumbaga, bahala ka nang mag-intindi, kung tutuloy mo ba o hindi. Kaya kung gusto mo ako, pakinggan mo ako,” hirit niya.
Wala raw naman siyang nakikitang masama na maging latebloomer o wala pang nobyo sa kanyang edad.
“Ako kasi masyado akong futuristic mag-isip kaya naiwan ko iyong side na iyon ng aking kabataaan. Pero, so far, wala naman akong regrets,” esplika niya.
Masaya naman si Ritz dahil siya ang leading lady ni Pepe Herrera sa “The Hopeful Romantic” na palabas na ngayong Setyembre 12.
“Iba iyong sense of humor ni Pepe. Masarap siyang kausap at enjoy ako habang ginagawa namin ang pelikula,” paglalarawan niya.
Enjoy din siya sa hamon ng kanyang papel bilang Veronica na siyang magbibinyag kay Pepe sa pag-ibig sa nasabing pelikula.
“Socialite, gold-digger, liberated. Actually, sobra siyang kabaligtaran sa personality ko kaya naroon ang challenge,” pagwawakas niya.
Mula sa direksyon ni Topel Lee, tampok din sa “The Hopeful Romantic” sina Bodjie Pascua, Beverly Salviejo, Alora Sasam, Wacky Kiray, DJ Durano at marami pang iba.