May 22, 2025
Robin Padilla speaks up against ‘Bato’ movie bashers
Latest Articles Rodelistic

Robin Padilla speaks up against ‘Bato’ movie bashers

Jan 28, 2019

Kontrobersiyal at maingay ang pagbabalik pelikula ng Action Superstar na si Robin Padilla. Hindi pa man naipapalabas ang pelikula niyang “BATO The General Ronald Dela Rosa Story” kung saan ay gumanap siya bilang General Bato ay may mga tutol at lantaran ang hindi pagkakagusto sa pelikula at sa pagpapalabas nito bago ang botohan ngayong Mayo. Tumatakbo kasi bilang Senador ang heneral at nabigyan na agad ito ng kulay pulitika. 

Ang nakakalungkot pa ay mga kasamahan sa industriya ni Robin ang mga ito. Hindi na namin babanggitin ang mga pangalan nila pero sabihin na nating may mga sarili silang opinyon, saloobin at pakikipaglaban pero sana isinantabi muna nila iyun at kinonsider na lang sana ang damdamin ni Robin at mga taong nasa likod ng pelikula na puwede silang  masaktan lalo pa’t pare-parehong nasa industriya ng Pelikulang Pilipino. 

Isipin na nating puwede nga itong parte ng kampanya ni General Bato para sa kaniyang kandidatura eh ano naman ang masama doon? E di huwag silang manood. Kung may motibo man ang nasa likod ng pelikulang ito para maipakilala si General Bato sa maraming Pilipino ay wala naman sigurong problema doon. Unang-una, wala naman silang inagrabiyado, sinaktan o winalanghiya habang ginagawa ang pelikula. Maganda pa, maraming nabigyan ng trabaho at natulungan. 

Pero siyempre, hindi nga pare-pareho ang ugali ng mga tao at puwedeng nagkakasalungat ng mga saloobin pero kung halimbawang may galit man sila sa heneral ay huwag na sanang idamay si Robin at ang kaniyang pelikula. Positibo naman sigurado ang kabuuang mapapanood dito at puwede pang makapagbigay ng inspirasyon sa makakapanood. 

Hindi rin naman perpekto si General Bato pero maganda ang kuwento ng buhay niya na mula sa pagiging mahirap ay nagtiyaga at narating ang kinaroroonan niya ngayon. May naging pagkakamali din siya sa buhay niya at trabaho pero sino ba ang taong perpekto, aber?! Basta kami, papanoorin namin ito na palabas na sa Miyerkules, January 30 na handog ng ALV Films at Regal Entertainment na mula sa direksiyon ni Adolf Alix.

Narito pala ang sentimyento ng aktor na ipi-nost niya sa kaniyang Facebook at Instagram account.

“May mga rebolusyonaryong nasa kabilang ibayo ang nais iboycott ang pelikula ko dahil sa pulitika. Hindi ko alam kung san nila natutunan na ang pagpigil sa paghahanap buhay ng manggagawa ay pagiging isang makabayan. Napakalayo po ng pagitan ng industriya ng Pelikula at Entablado sa Mundo ng Pulitika kahit na maraming artista ang nahuhumaling sa pulitika at napakarami ring Pulitiko ang nahuhumaling sa mga artista at pag aartista.

“Ang mga nasa likod po ng Pelikula ay mga taong hindi palara! Silay hindi sumasamba sa piso at silay ay sobrang mga simpleng tao. Karamihan po dyan ay self employed hindi mga regular sa madaling salita  isang kahig isang tuka rin. Napakahirap po ng buhay pelikula wala pong pinakamahirap na trabaho at pinakadelikado kundi ang paggawa ng pelikula. Lahat po ng pagpapaganda gagawin para sa panlasa ng mga manonood. We always give our very best lalo sa paggawa ng pelikulang action. Pakiusap namin sa mga rebolusyonaryo sa kabilang ibayo na mag isip din kayo bago kayo umaksyon at magsalita dahil kilala niyo rin kung sino ang mga maliliit sa mundo natin.

“Kailangan nila ng trabaho mga kapatid sa Pelikula hindi sila dapat maging biktima ng Pulitika natin dahil sa totoo lang wala pa naman nagawang maganda ang pulitika natin sa kanila ano man ang partido kaya kung makapagbibigay tayo ng trabaho sa kanila bakit naman niyo pipigilan? Ang pinakamainam nga ay himokin niyo si trillanes o si alejano na gawin din ang mga buhay nila para may mga taga pelikula na magkatrabaho at may maiuwi sa pamilya nilang sueldo. Ang pultika ay hindi isang bagay na kikitil sa hanapbuhay ng isang manggagawa kapag naging ganyan ang prinsipyo at adhikain ng isang rebolusyonaryo kelan man hindi natin makakamtan ang tagumpay laban sa uring may mga Kapangayarihan. Kung gusto niyo ng laban hindi dapat tayo maghiwalay at maging daan para ang industriya ay malaglag. Fight for Labor laws! Sama sama tayo!”

Leave a comment