
RODELISTIC: ToFarm’s in good hands with Bibeth Orteza; Music is life for HEC
Tama lamang ang pagtalaga kay Bibeth Orteza bilang bagong Festival Director ng Tofarm Film Festival. Ito talaga ang mga dapat at nararapat na iluklok sa posisyon na alam ang gagawin dahil sanay sa pasikut-sikot at galaw ng movie industry.
Bilang scriptwriter, director, artista at producer ng pelikula ay masasabing swak na swak si Bibeth sa bago niyang trabaho.
May dunong kasi siya mula sa paggawa hanggang sa pagpapalabas ng pelikula. Bilang film festival ang Tofarm, siguradong kayang-kaya niya ang trabaho huwag lang magkaroon o lumitaw na pasaway sa mga katrabaho niya o kaya naman mamroblema sa mga entries na mapipili.
Speaking of Tofarm, sa April 30, 2018 (Lunes) ng madaling araw ang DEADLINE ng submission ng full screenplay entries para sa 3rd edition ng #TofarmFilmFestival2018.
Pwedeng dalhin ang entry sa TOFARM Secretariat Office sa 10th floor, Harvester Corporate Center, #158 P. Tuazon, corner 7th and 8th Avenue, Cubao, Quezon City o kaya i-email sa tofarmscreenplays2018@yahoo.com.
Pito ang official finalists this year at makakatanggap ng 1.5 million pesos film grant ang mga mapipili. Katuwang ni Bibeth ang managing director na si Joey Romero at ang executive producer is Dr. Milagros How ng Universal Harvester Inc. sa lalo pang ikauunlad ng naturang festival.
Kung hindi magkakaroon ng pagbabago, magsisimula ang Tofarm Film Festival sa September 12 at magtatapos ito sa September 18, 2018 sa mga piling sinehan sa Metro Manila.
********************
Marami talagang independent singers na magagaling na hindi nabibigyan ng pagkakataon para sumikat at makilala. Isa na rito ang folk-rock artist na si Hec Encarnacion.
Totoo talagang napakahusay niyang kumanta at maluluma ang ibang datihan at mga baguhan kapag siya ay nag-perform na.
Bukod kasi sa kanyang distinct voice, aba kapag siya ay nasa enteblado na ay hindi puwedeng hindi ka pumalakpak, mapasayaw at mapasabay sa kanya. Tunay nga namang pinagkalooban siya ng talento na puwede niyang ipagmalaki.
Kahit sabihin pang marami nang mga nagsulputang mang-aawit ay tuloy pa rin si Hec sa kaniyang pag-ibig sa pagkanta.
Naniniwala kasi siya na sobrang nagbibigay ito ng kasiyahan sa kaniyang buhay. Minsan nang nalagay sa bingit ang kaniyang buhay dahil sa pagkakasakit pero ipinagpatuloy pa rin niya ang paglikha ng awit at pagkanta.
Samantala, abala ngayon sa pagpo-promote si Hec ng kaniyang album na pinamagatang “Dr. Lab.” Magaganda ang nilalaman ng kaniyang album na karamihan ay sarili niyang komposisyon.