
Cinema One’s Head Ronald Arguelles is proud of Ang Babaeng Humayo’s victory in Venice
Malaking karangalan kay Ronald Arguelles, Cinema One Head ang pagkapanalo sa Venice Film Festival ng pelikulang “Ang Babaeng Humayo” ( The Woman Who Left) na pinagbibidahan ng award-winning actress na si Charo Santos-Concio at idinirehe ng multi-awarded at internationally acclaimed filmmaker na si Lav Diaz.
Si Lav din ang nag-uwi ng Silver Bear Alfred Bauer Prize para sa kanyang obrang “Hele sa Hiwagang Hapis” sa 66th Berlin International Film Festival sa Germany na ini-release rin ng Star Cinema.
“Actually, na-conceive namin ang “Ang Babaeng Humayo” bilang opening film lang sa Cinema One Originals Film Fest this year, kaso nanalo siya. Nag-iba siya ng journey nang manalo ng Golden Lion sa Venice so dahil ipapalabas na siya, nabago na rin ang lahat”, panimula niya.
Proud din si Ronald na tinanghal na best film sa 73rd Venice Film Festival ang pelikulang iprinudyus ng Cinema One na kanyang pinamumunuan sa pakikipagtulungan ng Sine Olivia Pilipinas.
“I’m so proud. Never kong na-imagine na mare-reach ng “Humayo” ang ganoong success at pagkapanalo sa Venice na kami ang nag-coproduce.”
Ayon pa sa kanya, naniniwala siya na hinog na si Lav para manalo ng Golden Lion.
“Iyong pagkapanalo ni Lav sa Venice ng Golden Lion, unti-unting nag-evolve. It’s an accumulation ng lahat ng ginawa niya. Iyong creative outputs niya, kasi ang dami niyang fans. Kada lakad namin abroad, ang daming nagpapa-selfie at nagpapa-autograph sa kanya. Even sa mga film gigs, pinupuri siya at pinagkakaguluhan. Ganoon siya kasikat”, kuwento niya.
Bilang isa sa mga producers ng “Ang Babaeng Humayo”, malaki rin ang sampalataya niya sa kakayahan ni Lav.
“May free hand siya sa materyal. It’s just na ako ang sa production at access kay Charo at ako rin iyong nag-arrange sa ABS sa mga artista”, sey niya.
Naniniwala rin si Ronald na kwalipikado si Lav kung idedeklara itong National Artist dahil sa mga karangalang naiuwi nito sa bansa.
“Puwede. May karapatan naman siya. Depende na lang siguro kung sino ang magpu-push sa kanya para gawing National Artist”, aniya.
Dagdag pa niya, nakakuha naman daw ng tulong sa Film Development Council of the Philippines ang “Ang Babaeng Humayo” bilang kalahok sa Venice Film Festival.
“May tulong naman. Iyong iba naman kay Charo dahil may kasama siya. Iyong airfare nina Lav at John Lloyd, ang CinemaOne ang sumagot”, pagbibida niya.
Hindi rin alam ni Ronald kung may insentibong matatanggap ang “Ang Babaeng Humayo” sa gobyerno dahil sa pagkapanalo nito sa nasabing A-list festival.
“Sana meron”, wish niya.
Maliban sa Toronto at iba pang international film festivals, may mga imbitasyon na rin para maipalabas ang “Ang Babaeng Humayo” sa ibang prestihiyosong filmfests. Ang Film Boutique ang namamahala sa mga distribution at exhibition nito sa iba’t ibang film festivals.
Inspired ang “Ang Babaeng Humayo” ng short story ng Russian author na si Leo Tolstoy na “God Sees The Truth but Waits” na tulad ng kanyang naunang obrang “Norte: Hangganan ng Kasaysayan” ay ibinase naman sa kuwentong “Crime and Punishment” ni Fyodor Dostoevsky.
“Lumaki kasi si Lav na ang nanay niya ay teacher na mahilig sa Russian literature. Kaya nga, hindi kataka-takang paborito niya ang mga ganitong tema dahil ultimong pangalan ni Lav na Lavrente ay galing sa Russian”, ani Ronald.
Sa pagkapanalo ng “Ang Babaeng Humayo”, ganado si Ronald dahil nadagdagan ang direksyong tinatahak ng taunang Cinema One Originals Film Fest.
“Bukod sa Cinema One Originals Film Fest, we will continue to produce special projects pero selective siya. This year, I’m lucky to co-produce one with Sine Olivia Pilipinas at kami naman ni Lav ay nag-uusap na rin kung ano pa ang susunod”, pagwawakas ni Ronald.
Ang “Ang Babaeng Humayo” ay kuwento ng isang babaeng naging biktima ng kawalan ng katarungan at ng kanyang paghahanap sa taong nagkasala sa kanya para maghiganti.
Tampok dito ang nagbabalik-pelikulang Asia’s best actress na si Charo Santos Concio.
Kasama rin sa cast ang premyadong actor na si John Lloyd Cruz sa kanyang natatanging pagganap bilang Hollanda, isang epileptic drag artist.
Nasa cast din sina Michael de Mesa, Shamaine Centenera-Buencamino, Nonie Buencamino, Hazel Orencio, Marj Lorico, Mayen Estanero, Romelyn Sale, Julius Empredo, Lao Rodriguez, Jean Judith Javier, Mae Paner, Kakai Bautista, Jo-Ann Requiestas at Kyla Domingo.
Mula sa Cinema One at Sine Olivia Pilipinas ang “Ang Babaeng Humayo” na ini-release ng Star Cinema ay mapapanood na sa lahat ng mga sinehan simula sa Setyembre 28.