May 24, 2025
Ruru Madrid is all-praises for Ai Ai Delas Alas
Latest Articles T.V.

Ruru Madrid is all-praises for Ai Ai Delas Alas

May 26, 2015

by PSR News Bureau

Bibihira ang nabibigyan ng pagkakataon na magkaroon ng magandang break kaagad lalo’t isa kang maituturing na baguhan sa industriya ng showbiz. Puwedeng ang dahilan nito ay nakita sa iyo ang malaking potensiyal at angking galing na maaring hindi nila nakita sa iba. Kaya’t para kay Ruru Madrid, siya ay blessed at suwerte nang siya ang mapisil na makasama ang Comedy Queen na si Ai Ai Delas Alas at makapareha si Gabbi Garcia sa teleserye ng GMA 7 na ‘Let The Love Begin (LTLB).’

“Hindi po ako nag-audition para sa nasabing serye. Ito po ay ini-offer lang sa akin. Sino naman po ako para tumanggi? Napakaganda pong oportunidad ito upang maipakita sa lahat ang talentong mayroon ako. Masaya din po ako dahil I’m really flattered na si Ms. Ai Ai ang nanay ko dito,” bungad sa Philippine Showbiz Republic (PSR) ni Ruru nang aming makapanayam ang binata sa backstage ng nakaraang naging concert ni Ai Ai na ‘Ai Am Who Ai Am: A Thanksgiving Concert.’

Ginagampanan nila Ruru at Ai Ai ang papel ng mag-ina sa ‘Let The Love Begin.’ Kahit off-camera, ayon kay Ruru ay parang isang tunay na ina niya si Ai Ai. Pagmamalaki nga ni Ruru, ‘Mama’ ang tawag niya sa magaling na comedienne. Sobrang bait daw nito sa kanya. Binibigyan daw siya ng tips nito sa pag-arte. “Isang blessing talaga na makasama ko siya (Ai Ai) sa isang serye at siya pa ang gumaganap bilang Nanay ko. Siyempre, malaking artista si Ms. Ai Ai, isang dream project para sa isang baguhang tulad ko ang makasama siya,” pagkukuwento pa ng batang aktor.

Masaya rin si Ruru na maganda ang naging pagtanggap sa ‘Let The Love Begin’ ng mga manonood. Bigatin man ang makakalaban nilang palabas sa kabilang istasyon, hindi daw matitinag ang kanilang LTLB. “Maganda po ang istoryang nakapaloob sa aming palabas. This isn’t just about love. Hindi lang po ito entertaining, kung hindi siksik din po ito ng mga karanasan sa buhay na kapupulutan ng mga mahahalagang aral,” pagmamalaki pa ni Ruru.

“Hindi man kami kasing sikat nung loveteam sa kabilang istasyon. Kahit naman paano po’y may mga followers na rin naman yung team up namin ni Gabby (Garcia). Kumbaga, hindi rin po kami pahuhuli. But like I’ve said, yung ‘Let The Love Begin’ isn’t just all pampa-‘kilig’. Madami pong dapat paka-abangan sa aming serye na tiyak ninyong tutukan at magugustuhan. Paganda po kasi ng paganda yung takbo ng kuwento sa bawa’t araw.”

Ang maganda kay Ruru, kahit busy siya sa kanyang showbiz career ay hindi nito napapabayaan ang kanyang pag-aaral. Nitong taon ay katatapos lang niya ng high school sa National Christian Life College kung saan nakamit niya ang Most Outstanding Performing Artist award at ayon din sa kanya ay balak niyang kumuha ng kolehiyo. Ayon sa aktor, isa daw iyon sa mga advices sa kanya ng kanyang co-star na si Ai Ai Delas Alas.

“Sabi ni Ms. Ai Ai sa akin, sobrang mahalaga po ang edukasyon. While I am enjoying and earning my keep in showbiz, it’s equally important to also think about my future. And of course, it’s nice to have something to fall back on, since hindi naman natin malalaman kung hanggang kailan tayo tatangkilikin ng fans. That’s where the importance of education comes in,” paglalahad pa ni Ruru.

Sa pag-aartista kasi, sakali mang tumamalay yung tinatawag nilang ‘kinang’ ng iyong bituin, kapag nakapag-aral ka, mayroon kang puwedeng gawin at pagka-abalahan. Ayon pa kay Ruru: “Kung si Sancho nga na tunay na anak ni Ms. Ai Ai at co-star namin sa LTLB, bago niya (Ai Ai) pinayagan na pumasok mag-artista, she made sure na makatapos muna ito ng pag-aaral (culinary). Kaya’t hindi na nakapagtataka na kahit akong anak-anakan lang niya sa LTLB ay pinapayuhan din niya na mag-aral ng mabuti.”

Ruru had nothing but good words for Ms. Ai Ai. Kaya’t nang hilingin nito na mag-guest sila ni Gabby sa kanyang nakaraang thanksgiving concert, hindi nagdalawang-isip ang binata at agad itong pumayag. “Anything, basta para kay Ms. Ai Ai,” sabi pa nito.

“Yung bonding namin ni Ms. Ai Ai sa taping ay sobrang saya. Dahil para talagang tunay ko siyang ina, on cam at off cam. Ganun siya kasaya kasama. Napaka-down to earth niya, considering na big star si Ms. Ai Ai Delas Alas. For someone who’s been in the business for 25 years, that’s something. I really appreciate her dahil alam kong bihira sa showbiz ang isang tulad niya. She’s really sets a good example para sa mga baguhang gaya ko,” dagdag ni Ruru.

Leave a comment