
Ryzza Mae Dizon feels motivated after winning an award
Marami nang awards na natanggap si Ryzza Mae Dizon. Pero sa katatapos na awards night ng Guillermo Mendoza Memorial Foundation na ginanap sa The Theater ng Solaire Hotel & Casino noong Linggo, June 14, matinding saya pa rin at excitement ang naramdaman niya matapos siyang parangalan bilang Most Popular Female Child Performer.
“Thank you po sa mga nagbibigay ng ganitong awards,” masiglang bungad ni Ryzza Mae nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR).
“Lalo ko pa pong gagalingan. Salamat po sa Guillermo. At saka thank you din po kay Papa Jesus. At saka sa mama ko, sa papa ko, at sa family ko.
“Thank you din po sa mga fans,” sabay bungisngis niya.
“Parang iba po talaga ‘yung pakiramdam kapag nakakatanggap ng award. Mas nakaka-inspire na pagbutihin ko pa po ang ginagawa ko.”
Malapit na ang Father’s Day. Ano ang gift niya sa daddy niya?
“Hindi ko pa po alam. Wala pa po akong pambili!,” sabay bungisngis ulit ni Ryzza Mae.
Siya pa ang mawawalan ng pambili? Sinasabi na nga na isa siya sa pinakamayaman na childstar sa ngayon dahil bukod sa mga TV shows ay marami rin siyang commercials o endorsements?
“Hindi po ako mayaman. Wala po akong maraming pera!,”tawa niya.
“A… happy Father’s Day kay papa. I love you.”
Back to school na ulit siya?
“Opo.”
Saan siya nag-aaral?
“Sa Angelicum College po. Sa homeschool po ako kasi po marami akong ginagawa at schedules.”
May ginagawa ba siyang pelikula ngayon?
“Pelikula, wala pa po. Pero meron po akong teleserye , abangan n’yo na lang po.”