
Sandiganbayan grants Sen. Revilla’s urgent motion
by Eric L. Borromeo
Pinagbigyan ng Sandiganbayan First Division na dinggin ang ‘urgent motion ni Sen. Bong Revilla na isinumite ngayong araw na humihingi ng pagkakataon na makadalaw sa anak na si Cavite Vice Gov. Jolo Revilla na naka-confine ngayon sa Asian Hospital and Medical Center na nasa Muntinlupa sanhi ng tama ng bala ng baril sa kanyang dibdib.
Sa medical abstract na isinumite ng mga abogado ni Sen. Revilla, nakalagay doon na ‘self-inflicted’ ang gunshot wound ni Jolo.
Nung Sabado, February 28, bandang alas nueve ng umaga nangyari ang insidente. Agad na dinala si Jolo sa nabanggit na ospital para malapatan ng first aid support. Kinabukasan, ipinasok na ito sa intensive care unit. As of this writing ay stable na ang condition ng anak ng senador.
Sa isinumiteng motion ni Sen. Revilla, tatlong oras ang hinihingi ng senador para makadalaw sa ospital at masigurong nasa maayos nang kalagayan ang anak.
Ayon naman sa matalik na kaibigan ni Sen. Bong at kapwa detainee din dahil sa pork barrel scam na si Sen. Jinggoy Estrada, nababagabag daw ang senador sa nangyari sa anak. Si Sen. Estrada ang nagbalita sa kaibigan sa nangyari kay Jolo.
Samantala, ayon naman sa talent manager na si Lolit Solis labis daw na dinamdam ni Jolo ang sunod-sunod na dagok na dumating sa kanilang pamilya kung kaya tinangka umano nitong kitlin ang sarili. Pero madiin namang pinabulaanan ito ng spokesperson ng mga Revilla na si Atty. Raymond Fortun at sa inilabas nga nilang official statement, nakalagay doon na aksidenteng naiputok ni Jolo ang kanyang baril habang nililinis niya ito.
Wala rin daw ‘love quarrel’ si Jolo at ang girlfriend nito na si Jodi Sta. Maria, at katunayan, nagbantay pa raw ang aktres sa ospital.
Umaasa naman ang kampo ng mga Revilla na mapagbibigyan ang hiling ng Senador na madalaw ang anak kahit ilang oras lamang.