
Sanya Lopez: Kung isusuko ko sya, doon sa lalaking mahal ko
Pinaninindigan ng “Wild and Free” actress na si Sanya Lopez na ‘no boyfriend since birth’ at wala pa siyang karanasan pagdating sa pakikipagrelasyon sa mga lalake.
“Siguro, naging priority ko lang iyong trabaho. Kapag kasi gusto mo ang ginagawa mo at focused ka, hindi mo mapagtutuunan ang ibang bagay,” aniya.
Hindi raw totoo na naging mag-on sila ng Kapuso actor na si Rocco Nacino na nakasama niya noon sa seryeng “Haplos.”
“Wala. Hanggang partners lang po talaga kami,” paglilinaw niya.
Hirit pa niya, ayaw daw niyang magmalinis pero virgin pa raw siya at ito ay isang bagay na maipagmamalaki niya.
“Gusto ko kasi kung isusuko ko siya, doon sa lalakeng mahal ko. Ayokong magmalinis pero if ever na isusuko ko iyon, right after the wedding,” aniya.
Bilang paghahanda sa kanyang mga daring scenes kasama si Derrick Monasterio sa nasabing pelikula, nanood daw siya ng mga sexy movies para makakuha ng tips kung paano niya bibigyan ng tamang atake ang kanyang role.
“Nanood ako ng sexy movies, tapos nag-workshop kami at nandoon din naman ang direktor namin na nag-guide sa akin at siyempre, pinaghugutan ko rin iyong mga kuwento ng aking mga kaibigan para maitawid ko iyong mga love scenes,” sey niya.
Dagdag pa niya, hindi rin daw siya pinakialaman ng kuya niyang si Jak sa kanyang naging desisyon na magpaseksi sa pelikula.
“Happy naman siya sa nangyayari sa akin. At least, nakikita niya na naggrow-grow ako. Sinabi lang niya na huwag ko lang daw gawin sa tunay na buhay iyong ginagawa ko sa movie,” paliwanag niya.
Sey pa niya, malaki ang tiwala niya kay Derrick dahil never niyang naramdaman na nag-take advantage ito sa kanya.
“Kapag kasama mo naman si Derrick, sobrang gentleman niya. Nirerespeto niya ako. Alam niya kung ano iyong puwede at hindi puwedeng hawakan. Kumbaga, kampante kami sa isa’t isa,” lahad niya.
Mula sa produksyon ng Regal Entertainment at sa direksyon ni Connie Macatuno, kasama rin sa “Wild and Free” sina Juancho Trivino at Ashley Ortega.
Palabas na ito sa lahat ng mga sinehan simula sa Oktubre 10.