
Sen. Grace Poe running for President in 2016
by PSR News Bureau
Pormal nang nag-anunsiyo si Senador Grace Poe ng kanyang planong pagtakbo bilang presidente sa May 2016 elections. Naganap ang kanyang pag-aanunsiyo sa bulwagan ng Bahay ng Alumni sa UP Diliman sa Quezon City, nitong Miyerkules, September 16. Sa nasabing lugar din inanunsiyo ng yumaong ama ni Senator Grace na si Fernando Poe Jr., ang kanyang pagtakbo bilang pangulo noong taong 2003.
“Ako po si Grace Poe. Pilipino. Anak, asawa, ina, at sa tulong ng Mahal na Diyos ay iaaalay ko sa inyong lahat ang aking sarili sa mas mataas na paninilbihan bilang inyong Pangulo,” saad ni Senator Grace sa kanyang ibinigay na speech.
“Simple lang ang prinsipyo ng aking ama na siya ring dahilan ng aking pagtakbo,” panimula ni Senator Grace sa kanyang naging talumpati.
“Sinabi niya mismo sa loob ng bulwagang ito, mahigit 11 taon na ang nakalipas na importante sa isang lider and katalinuhan pero mas mahalaga ang may tapat na pusong maninilbihan upang tulungan ang mahihirap, labanan ang pang-aabuso, at pumanday ng isang lipunang masagana at makatarungan.”
Ayon pa rin kay Senator Grace, baon niya ang legacy ng ipinamana sa kanya ng kanyang amang si FPJ. Binigyang diin din niya ang kanyang hangarin na bigyan ng bagong pag-asa ang sambayanang Pilipino, partikular na ang mga nangangailangan.
Ilan sa mga programa at proyekto na bahagi ng kanyang plataporma ay ang pagpapalakas ng “Study Now Pay later,” pagsasaayos ng imprastrakturang may kinalaman sa transportasyon, reporma para sa mas mababang buwis, pagpapahalaga sa OFWs at “vulnerable sectors” tulad ng LGBT community, senior citizens, at “mga kapatid na Moro.”
Nagbahagi pa si Senator Grace tungkol sa mga iniwang aral at alaala sa kanya ni FPJ noon: “Madalas niyang sabihin sa akin: ‘Gracia, ang kahirapan ay hindi iginuhit sa palad dahil nasa kamay ng tao ang pag-unlad.’ Pero sa kanyang pag-ahon, hindi sapat ang kanyang sariling kayod, kailangan may kamay na humihila sa kanya. Di ba’t ‘yan naman ang sukatan ng magandang pamahalaan at lipunan, lahat ay aangat, walang maiiwan?”
Naging kapansin-pansin din ang pagbibigay-pugay ni Senator Grace kay Pangulong Benigno “Noynoy” Aquino III, na itinuturing niyang huwaran pagdating sa pagiging tapat na lider ng bansa.
Matatandaan na noong panahong hinihimok siya ni Pangulong Noynoy na umanib sa ilalim ng Liberal Party, nabanggit ni Senator Grace na tanging sa Pangulo lang siya makikinig at hindi sa kung anuman ang hangarin o pananaw ng partikular na partido.