
Shamaine, Nonie push mental health advocacy
Hanggang ngayon, patuloy ang adbokasya ng mag-asawang Shamaine at Nonie Buencamino sa pagsulong ng mental health.
Mula kasi nang mag-suicide ang kanilang bunso na si Julia noong 2015, naging boses na sila ng Julia Buencamino Bench Project.
“Layunin ng proyekto na magtayo ng isang komunidad kung saan ang mga kabataang may mental health issues kasama na iyong dumaraan sa depresyon ay malayang maipahayag ang kanilang pinagdadaanan o karamdaman na walang panghuhusga o kinatatakutan,” pahayag ni Shamaine.
Kapag may libreng oras, pumupunta sila ng kabiyak sa mga eskuwelahan, mga kumpanya at iba’t ibang civic organization para magsalita tungkol sa kahalagahan ng malusog na pag-iisip.
“Gusto naming mag-reach out sa mga magulang at mga anak, lalo na iyong dumadaan sa matinding kalungkutan o depresyon na hindi masama ang humingi ng tulong at pag-usapan ang kanilang nararamdaman,” aniya.
“We want to build a community that gives support to these kids by making them feel accepted even if they are broken … na hindi dapat nila sinasarili ang kanilang problema o mental condition and also to give them the assurance na tanggap natin sila at it’s not something na dapat nilang ikahiya,” dugtong niya.
Hirit pa niya, naging wake up call din sa kanilang mag-asawa ang trahedyang sinapit ni Julia.
“We did not know that she was battling with depression, then. Akala namin, okey siya. We’re not even informed as her parents sa kundisyon niya. It was not easy. Actually, iyong acceptance, hindi naging madali para sa pamilya,” paliwanag niya.
Ngayon daw, naging mas close raw sila sa kanilang mga anak pagkatapos nang nangyari.
“It was indeed a wake up call for us. As parents, hindi mo naman gugustuhing mangyari iyon sa mga anak mo. It just goes to show that depression is real and no one is exempt once na tumama siya sa iyo. People suffering from a mental condition or illness should not be ignored dahil kailangan nila ng support system na dapat unang ibinibigay ng kanilang pamilya,” pagwawakas niya.
Balik sa pagbibida si Shamaine sa pelikulang “Sunshine Family” kasama ang kanyang mister na si Nonie.
“Nagkasama na kami sa mga plays sa teatro pero this is the first time na gumawa kami ng movie together na shot in Korea and we got the chance to be directed by acclaimed Korean director Kim Tai Sik,” tsika niya.
So far, hindi raw naman gaanong nahirapan ang mag-asawa na makipagtrabaho sa isang Korean director at sa kanyang foreign crew.
“At first, I thought mahirap,” ani Shamaine.
“Akala ko, mahihirapan kaming magkaintindihan, pero nag-enjoy kami. We have an interpreter and our director understands English naman, so hindi naging problema ang difference in language and culture. Director Kim really took care to build a relationship with us. He’s very accommodating and is always asking us during important scenes as to how we would react as Filipinos. He has a storyboard, very organized and professional. Inalagaan kami ng husto at na-amazed kami sa pagiging professional at organized nila,” pagwawakas niya.
Ang “Sunshine Family” na base sa 1991 Japanese movie na “Hit and Run Family” ay tungkol sa isang dysfunctional family na naninirahan sa Korea na nahaharap sa matinding pagsubok nang ang kanilang padre de pamilya ay nasangkot sa hit-and run.
Bukod kay Nonie, tampok din dito sina Sue Ramirez at Marco Masa na gumaganap bilang mga anak nila.
Kasama rin sa cast ang Korean pop star na si Shinwoo ng boy group na Blanc 7 na lumalabas bilang love interest ni Sue.
Mula sa Spring Films at sa pakikipagtulungan ng Korean film company na Film Line Pictures, palabas na ang “Sunshine Family” sa mga sinehan sa buong bansa simula sa Hunyo 5.