
SHARE YOUR BLESSINGS: Meet your generous celebs
Matatandaang nagbahagi ang bida ng teleseryeng Since I Found You ng ABS-CBN na si Piolo Pascual na isang milyon para sa proyekto ni Robin Padilla na Tindig Marawi ksabay ng pagdo-donate rin ni direk Joyce Bernal ng P500,000.
Sa totoo lang napakamatulungin talaga ni Papa P, kahit walang camera o larawan pang nakaharap para malaman ng publiko ay tutulong at tutulong s’ya sa tunay na nangangailangan, ganyan ang pagkakilala namin sa kanya.
Kahit nasa malayong lugar ay gagawa ng paraan ang mahusay at mabuting aktor makarating lang ang kanyang tulong.
At kahit hindi n’ya kapwa artista at kilalang tao sa showbiz ay handa si Piolo na magpaabot ng saklolo hindi tulad ng ibang kilala naming artista na tutulong lamang sa kilalang personalidad na kakilala o kaibigan nila.
Si Piolo, kahit hindi mo raw lapitan ay kusang tumutulong once malaman n’ya o makarating sa kanya na may isang tao s’yang nakatrabaho o kakilala, o kaibigan, maging sa mga fan n’ya.
Tulad ni Piolo, nang malaman daw ni Gerald Anderson na nagkasakit ng malubha ang dating character actress at voice talent sa ABS-CBN na si Yda Yanesa na pumanaw na ay nagpadala raw ito ng malaking pera bilang tulong.
Patuloy din daw ang pagtulong ng rumored boyfriend ni Bea Alonzo sa discoverer nitong si Jun Reyes, lalo na nu’ng nagkasakit ito.
Isa pang malaking artista ang matulungin din daw ay ang Megastar na si Sharon Cuneta na may tinulungan daw noon na hindi n’ya personal na kilala na lumapit sa kanya matapos silang kapusin na sa pera para ipambayad sa bill sa isang private hospital pa raw sa bandang south.
Umabot daw ng kalahating milyon ang itinulong ni Ate Shawie, ayon sa aming reliable source.
At ‘pag tumulong daw si Mega ay hindi ka na n’ya pababalik-balikan pa. Antimano, magbibigay raw agad ito ng tulong ‘pag nakausap mo.
Ang beauty doctor to the stars na si Vicki Belo-Kho naman ay ipinagamot daw ang isa n’yang clinic manager na nagkasakit ng cancer.
Higit P300,000 plus daw ang nagastos ni Doc Belo bilang tulong sa pagpapagamot ng kanyang empleyado.
Ang kilalang matulungin din ay ang tunay na Primetime King ng telebisyon ngayon na si Coco Martin. Nu’ng bago-bago pa lang daw ang teleserye nitong FPJ’s Ang Probinsyano ay binilhan n’ya ng upuan na puwedeng maging higaan ang kasamahan n’yang si Lester Llansang.
Pinag-aral din daw ng mabuting aktor ang child star na si Onyok at ngayon naman ay ang mga bagong bata sa serye nito.
S’yempre, napakalaking tulong din ang hanap-buhay na ipinagkaloob ni Coco sa mga baguhan, lalo na sa mga datihan o beteranong artista na isinama n’ya sa cast ng kanyang teleserye at sa Metro Manila Film Festival entry n’ya last December 2017 na Ang Panday.
Wala pa d’yan ‘yung mga hindi lumalabas o naisusulat na tinutulungan ni Coco. Madali raw kausap ang mahusay na aktor pagdating sa pagbabahagi ng tulong sa kapwa n’ya. Sadyang hindi maramot at kuripot. Kaya super duper blessed daw ang buong team, staff at crew ni Coco, dahil sa busilak nitong puso.