Single-mom actress applies as PAL flight attendant
By PSR News Bureau
Nakasagap ng isang balita ang Philippine Showbiz Republic (PSR) tungkol sa isang single-mom na aktres. Kung tutuusin, mahusay naman umarte ang batang aktres na ito. Sa katunayan, nagsisimula pa lang siya noon ay nakitaan na agad siya ng malaking potensiyal bilang artista. Yun nga lang, bago pa niya naabot ang rurok ng kasikatan niya ay nabuntis ito ng kanyang non-showbiz boyfriend na may konek din sa showbiz. Pero bilang isang magaling na artista kung kaya’t naging madali para sa kanya ang makabalik agad sa showbiz matapos niyang makapanganak. Hindi man pinanagutan ng lalaking nakabuntis sa kanya ang kanyang anak na babae, mag-isa niyang tinugunan ang lahat ng pangangailangan nito.
Tumanggap na siya miski papel ng kontrabida bagamat nakapagbida na rin siya dati. Hindi mapili ang aktres na ito sa kanyang papel na gagampanan. Makailang-beses na rin siyang nagpalipat-lipat ng network.
Ngunit sadyang hindi na siguro talaga niya panahon. Marami ng mas bata, mas magaganda at magaling din umarte na talentong nagsilabasan kung kaya’t hindi na siya gaanong nagkakaroon ng proyekto gaya ng dati. May nakapagsabi sa Philippine Showbiz Republic (PSR) na naga-apply daw ito sa kasalukuyan bilang isang flight attendant ng Philippine Airlines (PAL). Wala naman masama dito, marangal naman na hanap-buhay ang pagiging isang stewardess.
Malamang nga na matanggap siya dahil bukod sa may angking ganda ang aktres, 27 years old lang ito at may katangkaran. Mahusay din ang pr ng aktres at may dimples pa kapag ngumingiti. Kung ang pagtratrabaho sa PAL ang tingin ng aktres na solusyon para mabuhay niya ang kanyang anak, hangad ng Philippine Showbiz Republic (PSR) ang kanyang kaligayahan bagamat magiging isa siyang kawalan sa showbiz. Kung kami ang tatanungin, mas gusto namin na bumalik ang kinang ng kanyang bituin.
Heto ang aming clue: Kaapelyido niya ang isang guwapo at sikat na aktor na dating asawa ng isang sikat na mang-aawit at aktres na mayroong anak na artista na rin at kaalitan nito ngayon.