
Something New In My Life: Gerald Santos’ dream-come-true concert
Sa April 9, Sunday, magpapakitang gilas sa kanyang concert ang tinaguriang The Prince of Ballad na si Gerald Santos sa SM North Skydome billed as Something New In My Life.
Special guests niya rito sina Regine Velasquez at ang UP Concert Chorus. Ito ang kauna-unahang pagkakataon na makakasama ni Gerald si Regine sa kanyang concert.
Noon pa ay pangarap na ng binata na kuning guest sa kanyang concert ang tinaguriang Asia’s Songbird, kaya lang lagi nang may nauuna itong natanguang commitment.
Dream come true para kay Gerald na natuloy na rin si Regine na maging guest sa kanyang nalalapit na concert.
“Very thankful ako na finally, napasagot na rin namin si ate Rej. Actually, personal akong lumapit sa kanya. Kasi nagkaroon ako ng way na mahingi ang number niya. Yung mga nakaraan, natiyempo kasi na may may schedule siya kaya hindi siya puwede. Sobrang thankful kami kay ate Rej at sa kanyang team, sa pag-accomodate sa amin,” sabi ni Gerald nang makausap namin sa presscon ng kanyang concert.
Mix emotions ang nararamdaman ngayon ni Gerald na makakasama niya nang kumanta sa stage ang misis ni Ogie Alcasid.
“Ang pakiramdam ko ngayon, sobrang masaya na excited na kinakabahan, na makakasama ko na siya sa iisang entablado. Mayroon kaming isang napakagandang duet na ihahandog sa audience namin. “
Bukod kay Regine, naisip din ni Gerald na isama sa concert niya sina Jona at Morisette Amon, kaya lang hindi puwede ang mga ito.
“Actually, ininvite ko sila dahil friends ko sila sa industry. Kaya lang nasa Dubai sila para sa Birit Queens concert.”
Bakit Something New In My Life ang title ng kanyang concert? Ano ba ang something new na ipapakita niya sa gabi ng kanyang pagtatanghal?

“‘Yun ang dapat ninyong abangan. Kaya dapat nandun kayo sa concert ko. Malalaman ninyo kung ano ‘yung something new,” natatawang bitin na sagot ni Gerald.
Pero may kinalalaman ba sa kanyang career ang something new?
“Ganito na lang, ito ang makakapagbago sa buhay ko,” dagdag niya.
Ang Gerald Santos: Something New In My Life concert ay inihahandog ng Twin Productions International, Sixteen Degrees Entertainment Productions, Prinstar Music Philippines, Mediabiz Entertainment, Big Eyes Production, Wish FM, Myra at Globaltronics.
Katuwang din sa concert na ito ang SM Supermalls, The Royal Asia Express Inc., Smart Foundation, SIP Purified Water, RMES Salon, Japs Ramiscal Photography, RLTV Productions at Fernandos Bakeshop.
Ang tickets ay mabibili sa SM Tickets o tumawag sa 4702222 o sa 09284782957.