
Star builder Ogie Diaz tries producing movie for the second time
Pinanindigan na talaga ni Ogie Diaz ang pagiging movie producer. Pagkatapos niyang mag-produce ng indie film noon, na Dyagwar, na bida sina Boom Labrusca at Eric Fructuoso, ngayon ay muli na naman siyang nag-produce ng pelikula, na Two Love You na showing na ngayon sa mga sinehan.
Bida rito sina Yen Santos, Lassy Marquez at Hashtag Kid Yambao.
“Idea ko po itong Two Love You. Kwento po ito ng pagmamahal ng isang bakla sa kanyang itunuring na kapatid na si Yen. Dito masusubok ang kanilang sisterhood kung mati-tempt ba si Yen, na ‘yung syota ng kanyang kuya-kuyahan ay madadale rin ba niya. At meron din po ritong kwento ng totoo kong buhay na nilagay ko rito. Kayo na po ang tumuklas kung ano ‘yun,” kwento ni Ogie tungkol sa Two Love You.
Sinabi ni Ogie ang dahilan kung bakit sina Yen, Kid at Yassy ang kinuha niyang bida sa Two Love You.
“Si Yen po kasi, nakasama ko siya rati sa seryeng Mutya at naging close na kami simula noon. At kontrobersal siya dahil sa serye nilang Halik. Si Lassy naman, alam kong kaya niyang gawin kahit konting Ogie Diaz doon sa pelikula. Kaya niyang magmahal ng babae. Kaya niyang makipag-sex sa babae, na nai-excite na raw siya na gusto na rin niyang subukan sa tunay na buhay. Basta ituro ko lang daw kung paano ang tamang pagpasok ng mga eksena,” natatawang sabi pa ni Ogie.
“Tapos si Hashtag Kid naman, alam kong barakong-barako siya kahit mahaba ang hair. Alaga ko po siya, talent po siya ng OieDProductions. Kaya siyempre, siya na ang kinuha kong bidang lalaki.”
Dahil malalapit kay Ogie ang mga kinuha niyang artista sa Two Love You, kaya hindi siya siningil ng mga ito ng malaking talent fee. At tumawad pa nga raw siya.
“Kung alam ninyo lang kung papaano ko tinawad-tawaran ang talent fee ng mga artista ko. Alam ko ang talent fee nila, pero tumawad ako dahil first time ko naman at hindi naman ako malaking producer.”
Kasama rin sa Two Love You sina Arlene Muhlach, MC Calquin at Dyosa Pockoh. Mula ito sa direksyon ni Benedict Mique.