
Successful Mayor’s Night in Sta. Ana, Cagayan Valley
Naging matagumpay ang pagdiriwang ng Mayor’s Night na ginanap sa Sta. Ana, Cagayan Valley noong June 1, 2015. Isa itong palabas na nilahukan ng mga artista sa pelikula at mga kilalang singers bilang handog sa mga mamamayan ng lugar. Bahagi ito ng kanilang kapistahan na ipinagdiriwang taun-taon. Pinangunahan ito ng Punong Bayan ng naturang lugar na si Mayor Darwin Tobias sa pakikipagtulungan ng maybahay niyang si Mrs. Lorna Tobias.
Pagkakaisa at pagtutulungan ang nais iparating ng alkalde sa kanyang mga nasasakupan sa pamamagitan ng maikling mensahe sa gabi ng palabas. Palibhasa’y mahal siya ng kanyang mga nasasakupan, hindi maiwasan ang walang patid na palakpakan at papuri habang siya ay nagsasalita. Amin ngang napag-alaman base na rin sa aming pagtatanong sa mga tao sa nabanggit na lugar na sobrang hardworking, malapit sa tao at napakabait niyang public official. Hindi ito kataka-taka dahil maski ang anak niyang si Lordwin Tobias ay ganoon din, lalo na ang asawa niyang si Mrs. Tobias. Bukod kasi sa mabait at malambing ito [Mrs. Tobias] ay lutang na lutang din ang katangian niyang may mabuting puso sa mga tao. Hindi nakakapagtaka na baka pagdating ng araw ay hikayatin din ang misis ni Mayor Darwin na pumasok rin sa pulitika.
Isa nga sa masasabing kontribusyon niya para pasayahin ang mga tao ay ang pagbibigay niya ng entertainment sa mga ito. Siya nga ang pinaka-utak at nangunguna sa mga aktibidad kapag may okasyon ang lugar. Hindi nga matatawaran ang tagumpay ng ino-organisa niyang Mayor’s Night kung saan ay dinagsa ng mga tao. Kabilang sa mga nakiisa at nag-perform sa palabas ay ang bandang Asin na pinangunahan ni Lolita Carbon. Wala pa ring kupas ang boses at galing ng bandang ito kaya naman umani sila ng mainit na pagtanggap sa mga manonood. Pinalakpakan din ang buwis-buhay na performance ng mga komedyanteng sina AK at Beki Belo. Hindi rin nagpatalbog ang mga singers na sina Luke Mijares, Edward Benosa at Chivas. Bukod kasi sa galing nilang mag-perform ay talaga namang pinagkaguluhan sila ng mga tao lalo na ng mga kababaihan.
Ayaw ding paawat ni Dianne Medina sa kanyang song and dance number. Siyempre pa, nagbigay din ng kislap at ningning sa gabi ang mga ‘Viva Hotbabes’ na sina Jaycee Parker at Sheree. Hindi lang kaseksihan ang ipinamalas nila kundi pinatunayan din nila na sila ay mga tunay na performers kaya hindi magkamayaw sa tuwa at saya ang mga nanood sa kanila na ikinatuwang lalo ng mga kalalakihan. Nagsilbing mga host ang inyong lingkod at ang partner ko sa radio program sa DWBL 8 Trimedia Broadcasting Network na si Pelita Uy. Nakiisa rin ang actor/model na si Arnold Reyes.
Sa kabuuan ay maituturing na isa itong hindi malilimutang karanasan lalo pa’t napagsama-sama ang mga kinikilalang talento ng ating bansa na maipagmamalaki natin. Tulad na lamang ng lugar ng Sta. Ana na hindi lamang sagana sa likas na kayamanan at magagandang tanawin kung hindi maipagmamalaki rin ang mga tao sa lugar na kapuri- puri sa kanilang mga ugali at magagandang katangian.