
Sue Prado shares the wisdom of working with child actors in “Pitong Kabang Palay”
by Archie Liao
Isa si Sue Prado sa pinaka-in demand na actress sa Pinoy indie scene.
Bawat roles na naa-assign sa kanya ay nagagampanan niya with flying colors.
“I want to try different roles kasi iyon ang paraan para lumawak pa ang range ko as an actress”, aniya.
Sa kanyang pinakabagong pelikulang “Pitong Kabang Palay” ay muli na niya tayong pabibilibin sa galing niya bilang actress.
Ano ang tema ng “Pitong Kabang Palay”?
“Kuwento ito ng isang batang pilit sinosolusyunan ang problema ng kanyang pamilya. Naghahanap siya ng ‘ways’ para ma-solve iyong problema nila. It’s actually a representation ng isang pamilyang Pilipino”, deklara niya.
Tungkol sa kahirapan ang isa sa mga tema ng pelikula , masasabi mo bang isa itong “poverty porn” na iprino-promote ang karukhaan para umani ng simpatiya sa mga manonood?
“It’s not a poverty porn. Mas oriented siya sa solusyon. Nagbibigay siya ng insights para sa mga tunay na situwasyon na puwedeng maranasan ninuman”, depensa niya.
Papel ng isang ina na may tatlong anak na itinataguyod ang papel ni Sue sa “Pitong Kabang Palay”.
Kumusta ang karanasan mo sa pakikipagtrabaho sa mga child actors?
“We are very lucky kasi our child actors are very good. Si Micko (Laurente) ay nakatrabaho ko na nang ilang beses. I actually call him ‘bunso’. Si Ynigo naman at si Miel, magaling din sila. They’re very intuitive and they listen a lot”, lahad niya.
Did you guide them sa mga eksena ninyo rito?
“Oo, but basically it’s developing a relationship with them. Actually, kapag nabigyan na sila ng instructions, they already know what to do. Mabilis silang matuto,”sey niya.
Ayon pa kay Sue, never siyang naka-experience ng tantrums sa mga bata while on the set.
Ano ang natutunan mo sa pakikipagtrabaho mo sa mga bata rito?
“Kapag kasi katrabaho mo sila, kailangang pasukin mo rin ang kanilang mundo. Dapat matuto ka na mag-observe, pakikiramdaman mo rin hindi lang kung ano ang kanilang sinasabi kundi ang kung ano ang gusto nilang sabihin, at pati na sa iyong kanilang mga ikinikilos. I learn a lot from them…They give me new insights, so part na rin ng ‘bonding’ na ituring mo rin silang mga anak mo sa set”, paliwanag niya.
You’re still single, pero very credible ka sa pagganap sa mga mother roles. Paano mo nagagawa ito?
“Marami akong pamangkin. Nag-aalaga rin ako ng mga anak ng mga kapartid ko. Mahilig rin ako sa mga kids. Nag-o-observe ako sa mga kaibigan kong may mga anak. As an actress naman, hindi naman kailangang maranasan mo ang isang role para hindi mo ito mabigyan ng justice. Kailangan lang mag-immerse ka roon sa role”, paliwanag niya.
Puring-puri rin ni Sue ang kanyang director kahit isa itong baguhan.
“Nakagawa na siya ng short before. Very personal din iyong istorya sa kanya dahil farmer talaga siya in real life. Ako rin naman lumaki rin ako sa farm, so nakaka-relate ako roon sa movie. When I read the script, alam kong istorya niya iyon.Kaya, alam niya ang kanyang ginagawa at ang laki ng kumpiyansa ko sa kanya”, pagwawakas ni Sue.
Maliban kay Sue, tampok din sa “Pitong Kabang Palay” si Arnold Reyes na gumaganap bilang asawa niya at ang mga child actors na sina Micko Laurente, Alfonso Ynigo Delen at Precious Miel J. Espinosa bilang kanilang mga anak.
Mula sa direksyon ni Maricel Cariaga, ito ay kalahok sa 1st ToFarm Film Festival na mapapanood sa SM Megamall sa Mandaluyong at SM North EDSA sa Quezon City mula Hulyo 13 hanggang 19, sa SM Cabanatuan at SM Pampanga mula Agosto 24 hanggang 30,sa SM Cebu mula Septiyembre 14 hanggang 20 at sa SM Davao mula Oktubre 12 hanggang 20.
Bukod sa “Pitong Kabang Palay” nasa cast din si Sue ng dalawang Cinemalaya entries: ang “Dagsin” ni Atom Magadia at “Pamilya Ordinario” ni Eduardo Roy, Jr.
For your comments/reactions write to artzy02@yahoo.com.