
Sylvia now home after covid-19 battle; Lotlot cooks specialties, accepts orders
FEELENNIAL / Column
GOOD NEWS! Nakauwi na sa kanilang bahay si Sylvia Sanchez matapos ngang maging negatibo sa COVID-19 disease.
Ayon sa post ni Sylvia sa kanyang Facebook page ngayong araw ng Huwebes, April 16:
“SALAMAT SA DIYOS! Nakauwi na po ako matapos mag-negative sa COVID-19! Ang asawa ko po ay kailangan pang manatili ng 2-3 araw sa ospital para sa isa pang test. Maraming, maraming salamat sa inyong mga dasal!”
Dahil ilang dekada naming naging matalik na kaibigan ang aktres at ang kanyang buong pamilya, agad namin siyang pinadalhan ng text message upang kumustahin at palakasin ang loob.
Agad namang sumagot ang ‘Pamilya Ko’ star upang magpasalamat.
“Hi Rommel, salamat ❤! Laban lang!”
Sinabi namin sa magaling na aktres na malalampasan nilang mag-asawa ang kanilang pinagdadaanan at hindi sila pababayaan ng Diyos.
*****
Mapapanood muli ang totoong kuwento ni Jenny na isang OFW (Overseas Filipino Worker) na niyayang magpakasal ng kanyang boyfriend nang madestino siya sa Dubai upang mag-alaga ng isang sanggol na may cerebral palsy sa espesyal na episode ng Magpakailanman ngayong Sabado, April 18.
Naging malapit ang puso ni Jenny sa kanyang alaga na lubos namang ikinahanga ng kanyang guwapong Egyptian boss na si Hany.
Nang hiwalayan si Hany ng kanyang first wife, unti-unti silang naging malapit sa isa’t isa pero nagkaroon uli ng isa pang asawa ang lalaking amo niya.
Magkakaroon pa kaya ng daan para tuluyang ma-ihayag nina Hany at Jenny sa isa’t isa ang tunay nilang damdamin para sa isa’t isa?
Paano na ang boyfriend ni Jenny na naghihintay sa Pilipinas?
Pinagbibidahan ito ng nakilala nating “Hipon Girl” sa programang Wowowin na si Herlene Budol.
Makakasama pa sina Lotlot De Leon, Vaness Del Moral, Mike Agassi, Euwenn Aleta, Marlon Mance, Ana De Leon, at Joaquin Manansala.
Sa ilalim ng direksyon ni Jorron Monroy, mula sa panulat ni Tina Samson – Velasco at pananalisksik ni Loi Argel Nova.
Abangan ang isa sa mga naging anniversary presentation ng Magpakailanman, only in GMA.
Samantala, speaking of Lotlot de Leon, dahil walang taping at shooting ngayon bunsod ng Enhanced Community Quarantine o ECQ (o lockdown) sa buong Luzon dahil sa panganib na sakit na COVID-19, ay binalikan ni Lotlot ang isa sa mga passion niya—ang pagluluto!
Abalang muli si Lotlot sa pagtitimpla ng masasarap na pagkain para sa kanyang negosyong Lotlot’s Homemade (Ready-To-Cook Meals).

Sa Lotlot’s Homemade ay maaring um-order for delivery (via Lalamove) ng kanyang napakasasarap na mga specialty; Bopis (ready-to-eat), Liempo at Mediterranean Chicken Barbeque (for grilling or frying) at ang latest addition sa menu na freshly-baked Banana Bread.
Mag-text lamang sa (0945) 594 1258 para sa mga order.