
Teddy Corpuz pegs Vhong Navarro
Aminado ang magaling na bokalista ng Rocksteddy at It’s Showtime host na si Teddy Corpuz na marami siyang natutunan sa nasabing noontime show kung saan nakilala siya hindi lang bilang isang magaling na performer kundi maging isang host.
“Sobra kasi, iyong hosting. Hindi ko inaakalang magiging host ako. Hindi ko akalaing magiging comfortable ako sa harap ng maraming tao. Kahit nagpe-perform ako o nagbabanda, hindi kami ganoon. Wala akong banter-banter after a song, o nagpapatawa after a song number. Ngayon, pag nagpe-perform kami, minsan, nahihilingan pa kami na kumanta ng “Boom Panes” o magsayaw ng ala Vhong Navarro at kumanta ng iba pang mga bagong kanta. Hindi naman ako iyong tipong pop culture guy pero dahil sa Showtime, ang laki ng recall niya,” paliwanag niya.
Hirit pa niya, malaki ang utang na loob niya sa Showtime dahil naipakita pa niya ang iba niyang talento lalo na sa segment na Magpasikat Ka.
“Hinasa talaga ako ng Showtime, mentally and in spirit na rin. Ang laki ng impact niya kasi nga hindi ako sanay humarap sa tao. Kahit nagpe-perform ako o singer ako, hindi ako madaldal na tao. Madalas nasa isang tabi lang ako, nag-iisip, nagco-compose. It added confidence sa akin. Iyon ngang mga kalukuhang ginagawa ko sa Showtime, nadadala ko na rin sa stage. Ngayon, at ease na ako, malaking bagay na natanggal ang inhibitions ko. Si Jugs din, hindi siya sanay na tinatawag na mataba pero ngayon, nakakasakay na kami at nawala na iyong mga insecurities namin,” pahayag niya.
Launching movie ni Teddy Corpuz ang romantic comedy na “Papa Pogi” kung saan ginagampanan niya ang role ni Romeo, isang mayaman subalit di kagandahang lalake na ang pamilya ay isinumpa ng isang chaka girl na puro pangit ang magiging anak ng angkan kung hindi niya mapapangasawa ang isang babaeng tsaka na si Venus para maputol ang sumpa.
Hirit pa ni Teddy, aminado siyang fan siya ni Vhong Navarro at ito ang parang naging peg niya sa kanyang role.
“Sobrang idol ko si Vhong. Para sa akin, hindi ako kumpetisyon. Ibang flavour naman ito. Tulad din ng kaibigan kong si Empoy, ibang flavour siya. Ibang feel na Vhong Navarro na kahit noong pumasok ako sa Showtime ay sobrang idol ko na,” ani Teddy.
Bagamat nakalabas na sa mga cameo at supporting roles sa “Bulong,” “Wedding Tayo, Wedding Hindi,” “The Breakup Playlist” at iba pa, itinuturing ni Teddy na dream come true ang kanyang pagbibida.
“Hindi ako makapaniwala na ang isang Teddy Corpuz na isang rakista na galing sa Lagro ay mabibigyan ng pagkakataong magbida. Wala naman akong kamag-anak na artista o hindi kami pamilya ng mga artista, so very thankful ako,” pagwawakas niya.
Ang “Papa Pogi” na iprinudyus ng Regal Entertainment ay mapapanood na simula sa Marso 20 sa lahat ng mga sinehan.
Mula sa direksyon ng Laugh Factory’s Funniest Person in the World finalist at stand-up comedian, host, actor at dating creative consultant ng It’s Showtime na si Alex Calleja, kasama rin sa cast sina Myrtle Sarrosa, Donna Cariaga, Joey Marquez, Lassy, Nonong Balinan, Dawn Chang, Hashtag members Nikko Natividad, Zeus Collins at Luke Conde.