
For those who think that she and Sen. Raph are corrupt, “Alam n’yo po, mahirap ding magmalinis. I am not saying we are saints but definitely we are not devils!” – Governor Vilma Santos
Mistulang nasa hot seat si Batangas Governor Vilma Santos sa no-hold barred na naging interview sa kanya ni Winnie Monsod kagabi, Lunes, April 6. Ito ay sa programa ng beteranong TV host na ‘Bawal Ang Pasaway’ sa GMA News TV 11.
Napag-usapan ang tungkol sa corruption. Isang bagay ang nasabi ng Star For All Seasons ay pinagsisikapan niyang mabantayan sa provincial government ng Batangas.
“Kahit sino na gusto akong kausapin, open ako kung may gustong magsumbong tungkol sa ganitong katiwalian,” aniya.
“Kinukompronta ko po ‘yong mga tao ko. Ayoko pong sabihin na perpekto rin sila.
“Kasi hindi ko po mahahawakan ang mahigit dalawang libong empleyado ng provincial government. But I always tell them… ‘yong para sa tao, dapat ibigay ninyo sa tao, huwag na kayong mang-isa.
“Kapag may proyekto pong ginawa na halimbawa school building, ako mismo ang bumibisita. At kapag nakita ko ‘yong ginawa nila na hindi tama sa requirements ng isang proyekto, nasa akin po ang last payment.
“I will tell them, balikan ninyo ‘yong ginawa ninyo ‘yong ginawa ninyong school building. Bini-bless pa lang, nagka-crack na.
“Kapag hindi ninyo inayos ‘yan, you will not get your last payment. Kaya husayan ninyo ang trabaho ninyo dahil babalik-balikan ninyo, lalo kayong malalakihan ng gastos.
“At kapag ganyan, don’t expect me to give you projects. Kasi ang feeling ko kasi… it’s about time na ibigay natin ‘yong nararapat sa tao.
“And I always tell them every time I go to different municipalities na ‘yong pagpapagawa ng mga school building, pagpapagawa ng mga kalye at mga ospital… hindi dapat na tanawing utang na loob ‘yan.
“Kasi ‘yong perang ginagastos do’n hindi naman amin. ‘Yong ginagamit diyan, buwis ng tao.
“Obligasyon namin ito. Na ‘yong mga buwis ng tao ay inilalagay namin sa mga programa at proyekto, ibinabalik namin sa pangangailangan ninyo.”
Naungkat din ang tungkol sa SALN (Statement Of Assets And Liabilities Networth) ng asawa niyang si Senator Ralph Recto. Noong 1992 ay nasa 5.2 million lamang ito pero lumobo at naging 496 million ang SALN ni Senator Ralph noong 2013.
“Ako naman po ay siyam na taon pa lang, nagtatrabaho na. Meron din naman po ako kahit papano na kabuhayan at sariling ipon na pera.
“So kung pagsasamahin po ninyo ‘yong aming mga income e puwedeng lumaki ng ganyan.”
December, 1992 nang ikasal sila ni Senator Ralph. That time ay Congressman ito at 5 million ang nakadeklarang SALN.
Naging 6 million ito noong 1993, 9 million noong 1996. Pero noong 1998 naging 211 million na.
Ayon kay Vilma, ito ang panahong naging mayor siya ng Lipa City at nagkaroon na sila ng joint assets and liabilities ni Senator Ralph.
Mas mayaman siya kesa sa husband niya talaga?
“Ang pangit pakinggan!” natawang reaksiyon ng Star For All Seasons sa sinasabi ngang mas marami siyang pera kesa sa kanyang asawa.
“Meron din naman pong ibang mga business na pinapalakad si Ralph. And at the same time modesty aside po, meron din naman akong sarili kong pera.
“So ‘yong income ko sa pag-aartista, ‘yong suweldo ko… at saka si Ralph po may stocks po siya.
“At least nagiging honest siya para ilabas namin ‘yong totoo diyan. Kesa itinatago namin… nagiging issue rin ang mga ‘yan.”
Sinasabi na siya raw sa ngayon ang pinakamayaman among the 81 governors sa buong bansa sa ngayon?
“Ako ba?” bahagyang natawang tanong din ng aktres.
“Ay, pinaghirapan ko naman po ‘yan. Sa totoo lang po.
“At saka sa amin pong mga artista lalo na kapag umabot ka do’n sa level na after so many years na blood, sweat, and tears na pinaghirapan mo at dumating ka sa level na you can demand, in a day work… ayokong magyabang kasi, e.
“Kahit na po ‘yong let’s say two days work, uhm… anim na zero na po ‘yon. Kapag inipon mo ‘yon at hinawakan mo nang maayos ang pera mo, e possible ka namang umabot sa gano’n.”
Sa joint assets and liabilities nila ni Senator Ralph, malaking bahagi talaga nito ay sa kanya. Pero hindi maiaalis ngang may mag-isip na baka may galing din sa kurakot?
“Alam n’yo po, mahirap ding magmalinis. Again if I may reiterate… I am not saying we are saints, but definitely we are not devils.
“So mahirap pong magbuhat ng sariling bangko. Pero one thing I can brag about is… to the last centavo especially in my case and I know my husband, palagay ko ay pinaghirapan po at trinabaho po namin nang maayos.”
May mga naiintriga rin sa sinasabing dalawang dollar accounts niya. Pero klaro ang naging paliwanag ni Vilma hinggil dito.
“Kahit noon kapag kumikita ako, talagang right away kapag meron na akong income magpapapalit agad ako ng dolyares. Oo.
“Kasi ang feeling ko… for safety nets ko ‘yon. Di ba? Kasi ‘yong interes pa lang niya, malaki na.
“Inihinto ko lang po ‘yan no’ng naging public servant ako. Kasi sinabi sa akin ni Ralph… alam mo ba Vi na ‘yang laki ng pera mo na ‘yan kapag ipinagpapalit mo ng dolyares, pinahihirapan mo ang ekonomiya ng Pilipinas!” natawang kuwento pa niya.
“Na-guilty ako! Ha-ha-ha!
“When I learned na isa sa nagpapahirap ‘yong sa Pilipinas at sa ekonomiya natin, nong naging public servant ako… huwag na lang. Hayaan na lang ‘yong peso na umikot sa atin,” sabi pa ni Vilma.