
“Tubig Queen” gets to feature his life on ‘MPK’
Habang may buhay ay may pag asa. Huwag mong tingnan ang kahirapan na isang hadlang para ikaw ay magtagumpay.
Ito ang panuntunan ng masayahing si Dodoy na kilala ngayon sa buong Cebu City at sa social media bilang ang nag-iisang “Tubig Queen.”
Isa siya sa maraming nagtitinda ng tubig sa mga kalye ng Cebu City subalit kakaiba siya dahil ang pagtitinda ay ginagawa niya nang masaya at hinahaluan ng mga gimik at pagsusuot ng costume para mapansin siya ng mga parukyano.
Mula sa Samar ay lumipat at nanirahan ang kanilang pamilya sa Cebu City at dala ng kahirapan ay naranasan ni Dodoy at mga kapatid niya na kumayod katulong ang kanilang magulang upang sila ay may maipanlaman lang sa kanilang sikmura.
Nais makapagtapos ni Dodoy kaya’t masigasig siyang tumulong sa ina at ama sa paglalako ng tubig kahit sa murang edad.
Dumanas siya ng pangungutya sa mga kamag-aral pero hindi siya nahiya dahil alam niyang walang makakatulong sa kanya kundi ang sarili.
Nang makarating ng kolehiyo, kahit hirap sa schedule ay isinisingit niya ang pagtitinda para lang may maibaon siya at maidagdag din sa panggastos ng pamilya.
Nakatulong sa kanya ang pagsusuot ng makukulay na costume upang mas mapansin siya ng mga pasehero at commuters sa kalyeng pinagtitindaham nila. Nang lumaon din ay nakuhanan siya ng picture at videos na na-upload sa social media kung saan tinawag sya ng mga netizen na “tubig queen.”
Kamakailan lang ay nagtapos si Dodoy sa Kursong Education Major in Secondary Education sa Cebu.
Pinarangalan din siya bilang isa sa mga outstanding youth ng kanilang lungsod.
Huwaran siya hindi lamang sa mga kapwa estudyante kundi sa lahat ng taong nakakaalam ng kanyang kwento.
Isang batang hindi itinuring na hadlang ang kahirapan para makamit ang kanyang pangarap na makapagtapos ng kolehiyo at sa hinaharap ay maging ganap na guro.
Tunghayan natin ngayong Sabado sa Magpakailanman ang totoong kwento ng pakikipagsapalaran ni Dodoy, ang “Tubig Queen” ng Cebu City.