
TV 5 gears up for more exciting shows in 2016
by Archie Liao
Maraming bagong shows ang dapat abangan sa pagpasok ng taong 2016 sa TV 5. Ito ang mismong inanunsiyo ng Viva Group of Companies top honcho na si Boss Vic del Rosario bilang bagong chief strategist for entertainment ng Kapatid network.
Ang mga bagong shows na aabangan ng mga viewers ay ang “Panday” ni Carlo J. Caparas na gagampanan ng Ultimate heartthrob na si Richard Gutierrez kasama ang bagong boy wonder na si Alonzo Muhlach bilang kanyang sidekick.
Mapapanood din ang TV adaptation ng classic na pelikulang “Bakit Manipis ang Ulap?” na pinasikat ni Danny Zialcita at pinagbidahan noon nina Janice de Belen, Chanda Romero, Tommy Abuel, Laurice Guillen at Mark Gil. With a new twist, tampok sa teleserye sina Claudine Barreto, Diether Ocampo at Cesar Montano.
Gagawin din ang “Tasya Pantasya” na base rin sa istorya ni Carlo J. Caparas na ang movie version noon ay naging smash hit kung saan naging kabituin ni Kris Aquino ang mga kilalang PBA cagers na sina Alvin Patrimonio, Bong Alvarez. Jerry Codinera, Jun Limpot at marami pang iba.
Ang director ng “Tiktik at Kubot: The Aswang Chronicles” na si Erik Matti ay maghahain ng mga kuwento ng lagim at kababalaghan sa horror anthology na “Kagat ng Dilim.”
Ilulunsad din ng TV5 ang “Born to be a Star,” ang pinakabagong reality show na tutuklas sa susunod na top multi-media star. Sina Aiza Seguerra, Mark Bautista at Rico Blanco ang magsisilbing judges ng mga kalahok.
Ang mga bagong shows na ito ay mapapanood sa first quarter ng 2016.
Samantala, tuloy-tuloy pa rin naman ang saya dahil mapapanood pa rin ang kiligseryeng “Wattpad Presents,” “Parang Normal Activity,” Lola Basyang. Com,” “Happy Truck ng Bayan” at “Hi 5.”
Ayon pa kay Bebong Munoz, head ng talent center ng TV5, kahit tampok ang mga Viva talents sa mga bagong shows ng network, hindi raw naman mawawalan ng trabaho ang mga homegrown stars ng TV5 tulad nina Mark Neumann, Vin Abrenica, Akihiro Blanco, Shaira Mae, Sophie Albert, Chanel Morales at iba pa at ang mga contract stars ng network na sina Derek Ramsay, Jasmin Curtis-Smith, Janno Gibbs at Ogie Alcasid dahil maraming plano ring sa kanila ang management.
Sa pagpasok ni Boss Vic sa TV5, optimistic ang Kapatid network, inaasahan na mas mapaiigting at mapalalakas kanilang programming dahil hindi matatawaran ang karanasan nito bilang isang master star builder.