
Two superstars in one movie?
Thankful si Judy Ann Santos dahil pagkatapos niyang manalo ng kanyang kauna-unahang international best actress award para sa pelikulang Mindanao sa 2019 Cairo International Filmfest, ang layo na ng narating nito.
Noong nakaraang taon, nagwagi rin siyang best actress para sa naturang obra ni Brillante Mendoza sa ika-45 edisyon ng Metro Manila Film Festival.
Ngayong taon naman, magandang buwena mano sa kanya na kinilala siya ng Film Development Council of the Philippines sa pamumuno ni Chair Liza Dino-Seguerra sa Film Ambassadors’ Night sa kategoryang A listers.
“Pag talagang mahal mo iyong gusto mong gawin, at mahal mo iyong ginagalawan mong
mundo, hindi ka maglalabas ng effort para magtrabaho. Ngayon ko na-realize na dapat pala noon ko pa ginawa ito. You know, lahat naman dapat pagdaanan, kailangang matutunan,” aniya.
“Siguro, gusto ko lang na pinipili iyong mga ginagawa ko, but ang lawak na ng narating ng Mindanao at napakasuwerte ko na nakasama ako sa proyektong ito. Panaginip lang ito, iyong makilala ako sa ibang bansa. This is more than I expected and I’m thankful dahil ang ganda ng pasok ng taon,” dugtong niya.
Hirit pa niya, gusto raw niyang ibahagi ang bago niyang karangalan sa kanyang pamilya at mga anak.
“I would like to share this recognition with my husband, my kids. Kung hindi dahil sa kanila, hindi ko magagampanan nang maayos ang maging isang ina. And of course, to my mom at sa lahat ng mga inang lumalaban para sa lahat ng anak nila na may pinagdadaananang ganoong sakit o sitwasyon. So, napakalaking inspirasyon ng Mindanao para sa akin,” paliwanag niya.
Pagkatapos ng MMFF, magkakaroon daw ng international premiere ang Mindanao sa Rome, sa Turkey at pati sa China pero hindi niya pa masasabi kung a-attend siya sa mga ito.
Aware rin si Juday na bukod sa kanya, unang nanalo ng kanyang international best actress award sa Cairo Filmfest ang Superstar na si Nora Aunor noong 1995 para sa pelikulang The Flor Contemplacion Story.
Sey pa niya, open din daw siya sa ideya na makatrabaho ang beteranang actress.
“Bakit naman hindi? Wala pa lang nakakapag-isip. Puwede namang mangyari. Nothing is impossible kasi ang Superstar nakagawa na rin naman siya ng pelikula kay Direk Brillante,” pahayag niya.
After manalo ng pelikula sa Mindanao, magpopokus muna ang aktres sa bioflick ng celebrated movie producer na si Mother Lily Monteverde.
Excited daw siya dahil nakapakakulay ng buhay ng itinuturing na icon sa industriya.
“Sino ba naman ang hindi nakakakilala kay Mother Lily? Mother Lily alone is super big,” pakli niya.
Sa ngayon daw ay inaaral pa niya kung paano niya bibigyan ng atake ang personalidad nito.
Tungkol naman sa pagkakaroon ng panibagong baby, wala raw sa plano nila ito ng mister niyang si Ryan Agoncillo.
“At 41, hindi ko na ‘ata kayang magluwal ng bagets,” ani Juday.
“Hindi naman sa walang plano, hindi lang napag-uusapan. Tapos, you have to consider the realities of life na napakahirap ding mag-raise ng isang family,” pagtatapos niya.