May 24, 2025
Urian awardee Bernardo Bernardo talks about his struggles as a gay actor
Latest Articles

Urian awardee Bernardo Bernardo talks about his struggles as a gay actor

Oct 20, 2016

Muli na namang magpapabilib ang Urian award-winning actor na si Bernardo Bernardo sa pelikulang “Purgatoryo” ni Derick Cabrido na kalahok sa Circle Competition ng 4th Quezon City International Film Festival.

Ano ang role mo sa pelikulang “Purgatoryo”?

“Gay owner ako ng isang funeral parlor na ang pangalan ay Funeraria Jimenez. Pinapa-renta namin iyong mga cadavers sa mga gambling lords for profit. Nagkaroon ng aberya sa isa sa mga bangkay na ginagamit namin na mukhang biktima ng extra judicial killing at na-recognize siya ng kanyang asawa at doon nagkaroon ng kaguluhan sa police, sa mga workers at sa iba pang sangkot sa komunidad,” aniya.

Ano ang kaibahan nito sa mga gay roles na nagampanan mo na?

“Ibang klase kasi ang pagka-gay niya dahil matigas ang pananaw niya, masakit siyang magsalita at walang pakundangan sa pagtrato sa kanyang mga katrabaho pero may dahilan naman kung bakit ganoon siya. So, bilang actor, dapat mong i-explore at alamin kung ano iyong pinagdaanan niya kung bakit siya ganoon na hindi mo siya hinuhusgahan para maging balanse,” paliwanag niya.

Magaling kang actor pero mas kilala ka sa mga gay roles na ginagampanan mo. Nagkaroon ka ba ng mga struggles sa aspetong ito sa paraang nalilimitahan ang artistry mo?

“I’ve come to a point na after “Manila By Night” kung saan nanalo ako ng Urian, naging typecast ako sa mga gay roles. Sa halip na magalit ako, in-embrace ko siya.Wala namang masama sa pagtanggap ng mga gay roles dahil trabaho lang iyon para sa akin. Kung makakatulong naman ako para  mai-represent ko ang mga gays intelligently and passionately, why not? Okay lang sa akin kung maging flagbearer nila ako.  Buong puso ko iyong tinatanggap nang taas-noo,” ani Bernardo.

Sa palagay mo ba, hindi ka magiging credible sa mga straight roles?

“Ang isyu naman diyan ay gender-specific. I make it a point to use my gift as an actor to breath life and believability sa mga characters na ginagampanan ko na hindi siya stereotyped”, esplika niya. “ Actually, nagpapasalamat ako dahil may mga roles na straight na naipagkakatiwala sa akin tulad ng “Hele sa Hiwagang Hapis”. Sa teatro naman, madali akong tanggapin tulad sa last play ko na “King Lear”  pero sa pelikula at TV, aaminin ko may limitasyon pa rin. Iyon namang pagganap ng isang actor sa mga roles has nothing to do with sexuality,” pahayag niya.

Ano ang natutunan mo sa mga struggles na ito?

“Minsan, awarded ka nga pero nare-realize mo na kailangan mong mabuhay  na minsan kailangan mong gawin ang isang proyekto kahit hindi ganoon kahusay ang director o katino ang ang isang iskrip, pero naroon pa rin siyempre, iyong obligasyon mo na pagbutihin ang iyong ginagawa dahil trabaho mo iyon bilang isang actor dahil iyon ang misyon mo,” sey niya.

Ayon pa kay Bernardo, nasa edad na siya kung saan hindi na prayoridad ang mga mabababang pagnanasa sa buhay.

“Nagme-meditate ako, nagpapasalamat sa mga biyayang tinatanggap ko. Nililinis ko ang buhay ko para magkaroon ng kahulugan hindi lang para sa akin kundi para sa ibang tao. Pinag-iisipan at nire-review ko kung ano ang nangyayari sa akin at ini-improve ko kung ano ang dapat i-improve. Tinatanggal ko kung anuman ang doubts, pessimism o anger sa sistema ko para maging mabuti akong tao,” pagwawakas niya.

Sa “Purgatoryo”, kasama ni Bernardo Bernardo sina Kristofer King, Jess Mendoza, Mara Lopez, Lou Veloso, Arnold Reyes, Elora Espano , Japo Parcero, Che Ramos-Cosio, Chrome Cosio, at Rolando T. Inocencio.

Ang “Purgatoryo” ay isa sa pitong kalahok sa Circle Competition section ng 4th Quezon City International Film Festival.

Si Bernardo Bernardo ay dalawang beses nang nanalo sa Urian: una bilang best actor sa “Manila By Night”(City After Dark) ni Ishmael Bernal at pangalawa bilang best supporting actor sa “Imbisibol” ni Lawrence Fajardo.

Nakilala rin siya sa telebisyon bilang Steve Carpio sa long-running sitcom ng ABS-CBN na “Home Along Da Riles.”

Leave a comment