
Vic Sotto and Ai Ai Delas Alas teams up anew via My Bebe Love: Kilig Pa More
by Vance Madrid
Kakaibang Vic Sotto raw ang dapat pakaabangan ng masa sa pelikulang “My Bebe Love: Kilig Pa More” na isa sa mga film entries para sa Metro Manila Film Festival.
Ayon sa batikang manunulat at direktor ng pelikula na si Jose Javier Reyes, “Makikita ninyo dito ang kakaibang ‘Vic Sotto’ na hindi pa ninyo nakita sa kanyang mga pelikula. Malayo ito sa Enteng Kabisote na nakasanayan ninyo sa mga past MMFF film entries niya. Binigyan ko siya dito ng kakaibang atake at treatment sa role niya.”
Sinangayunan naman ito ni Vic. “Kadalasan kasi ng ginagawa ko mga fantasies o yung tipong pang comedy talaga. For this movie, first time kong sumabak sa isang romantic-comedy o yung tinatawag nilang rom-com.”
“Charming na Vic siya dito. Yung kung ano talaga siya in real life. Well-off, seryoso na suwabe at malakas ang appeal. Kahit alam ng mga manonood na in real life ay masaya kaming dalawa sa mga kanya-kanya naming karelasyon, magugustuhan mo pa rin yung natural na chemistry namin sa pelikulang ito na kikiligin kayo,” saad naman ng Comedy Queen na si Ai Ai Delas Alas patungkol sa kaparehang si Vic.
“Actually, matagal na namin sanang planong gumawa ulit ng pelikulang magkasama. Ilang taon na rin naming sinubukan mag-brainstorm para sa isang magandang proyekto. Pero sa tuwing susubukan namin, laging may aberya. Hindi kasi siya dati pinapayagan ng kanyang home studio. Hanggang sa tuluyang na ngang nag-expire yung kontrata niya [Ai Ai] kaya’t finally eto na nga yung naging finish product, sa wakas nakagawa na kami ulit ng pelikulang magkasama kami,” kuwento ni Vic sa Philippine Showbiz Republic (PSR.ph).
“Siguro it took us around three or four years bago ulit nagkasama sa isang proyekto,” dagdag pa ni Vic.
“Masaya naman kami na makagawa ulit ng pelikula together. Sobrang click kasi kami ni Vic eh. Minsan nga iniiwasan na naming magtitigan kasi lagi kaming natatawa agad pag tiningnan pa lang namin yung isa’t-isa. Ganun kami ka-komportable magtrabaho,” hirit pa ni Ai Ai.
Miski si Ai Ai ay kakaibang saya rin ang dulot ng paggawa ng bagong pelikula at nang muli nilang pagtatambal ni Bossing Vic. “Oo naman, may rapport kasi kami ni Vic na masasabi kong sa amin lang. Hindi naman kaila sa lahat na nagkaroon ng time sa buhay ko na halos gusto ko nang umalis sa showbiz dala ng depresyon. Ayoko na sanang mag-artista pa noon. Buti na lang hindi ako sumuko. Laking pasasalamat ko sa Diyos, sa mga anak ko, sa fans na walang sawang sumusuporta sa akin at sa mga nagtitiwala pa rin sa kakayahan ko,” emosyonal na sabi ni Ai Ai.
Nakabalik na nga ang Comedy Queen matapos nitong mapagdaanan ang maraming bagay sa kanyang buhay. Heto siya at kasama pa ang tinaguriang ‘Philippine Box Office King’ sa kanyang bagong pelikula na “My Bebe Love: Kilig Pa More” na isa sa maraming pelikulang kalahok para sa nalalapit na Metro Manila Film Fest kasama ang sikat na sikat na loveteam ang ‘AlDub.’
“It’s always been a joy working with Vic. Kasi parang hindi siya trabaho, ganun siya kasaya,” sabi ni Ai Ai tungkol sa kapareha. “The feeling is mutual. Ganun din ako sa kanya [Ai Ai]. We jive kasi talaga, we tend to bring out the best in each other,” bulalas ni Bossing Vic.
Para nga sa “My Bebe Love: Kilig Pa More,” sadyang pinaganda ang istorya ng nasabing pelikula. “Hindi ito basta makapagpatawa lang. Meron itong light moments, madaming kilig scenes at siyempre pa, kapupulutan ito ng aral. Honestly, hindi kami naghahangad ng awards dito o maging box office hit. Ang ultimate goal lang namin ay makapagpasaya ng mga tao sa Kapaskuhan. Kung suwertehin man kami, maraming salamat,” paliwanag ni Direk Joey.
Ang “My Bebe Love: Kilig Pa More ay mula sa pinagsanib-puwersang production ng OctoArts Films, M-Zet Television Productions Inc., APT Entertainment at GMA Films and Media Production. Kabituin nila Vic at Ai Ai dito sina Alden Richards, Maine ‘Yaya Dub’ Mendoza, Ryzza Mae Dizon, Joey De Leon, Paolo Ballesteros, Wally Bayola at Jose Manalo.
Huwag palalampasin ang pinakamasayang pelikulang pampamilya ang ‘My Bebe Love: Kilig Pa More’ simula sa December 25!