
Vice Ganda helps viral internet sensation Miss Pastillas to look for Mr. Right
Masayang-masaya si Vice Ganda nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR.ph) dahil hindi na raw nalalayo ang rating ng noontime show nilang “It’s Showtime” sa katapat nilang programa na “Eat Bulaga” na nung September 18 ay 2% na lang ang inilamang nito sa kanila.
“Sabi nga ng ABS-CBN management, masaya na sila. Kasi they were only praying for two points increase, but God gave us six points, sabi nila. So, nung ibigay yun sa amin, na-boost ang morale naming lahat,”pagmamalaki pang sabi ni Vice.
Ayon pa sa mahusay na komedyante, malaking bahagi raw ng pag-angat ng ratings ng “It’s Showtime” ang segment nila tungkol kay “Miss Pastillas,” na naghahanap ng bagong boyfriend o kanyang “Mr. Pastillas.”
Matatandaan na noong September 14, sa portion ni Vice na Madam Bertud, isang babae na pinangalanan niyang Miss Pastillas ang nagkuwento sa kanyang kasawian sa pag-ibig, at ang hangaring umibig muli. Isang lalaki naman mula sa audience ang nagpakita ng interes sa kanya, na sinundan ng isang tawag sa telepono mula sa isang taga-Bacolod City na naghahangad ding makilala nang personal si Miss Pastillas.
“Hindi planado o scripted yung tungkol kay Ms. Pastillas, kasi kahit si Jess Co, yung galing Bacolod, nanggaling sa Twitter.
Kasi nang first time lumalabas si Miss Pastillas, ang daming nagsasabi sa Twitter na, ‘Kalimutan mo na yung boyfriend mo, ako na lang, ako na lang ang mag-aalaga sa iyo.’ Dun nagsimula nang makabasa kami ng tweet, kasi nagbabasa kami dun nang live.
“Kasi nang tanungin namin siya nang live, kung serious ba siya, o nagpapa andar lang, ang sagot niya, ‘serious din ako.’ Gusto raw niyang makilala, pero sa September 26 pa raw siya pupunta ng Maynila.Sabi ko, willing naman na siyang makita ito kinabukasan. E, willing naman daw, at yun, iniwan ang kanyang trabaho muna, so andun na yung conflict. So, parang nangyari, naging seryoso ngayon ang paghahanap kay Mr. Pastillas, kasi dapat seryosohin niya talaga ang babaeng ito, hindi basta trip lang,”paliwanag pa ni Vice.