May 23, 2025
Vice Ganda honors Direk Wenn, admires leading men
Latest Articles

Vice Ganda honors Direk Wenn, admires leading men

Dec 6, 2018

Protégé ng late Wenn Deramas ang unkabogable at phenomenal box office superstar na si Vice Ganda.

Katunayan, tinatanaw niyang malaking utang na loob na bahagi ng kanyang tagumpay bilang komedyante ang mga natutunan niya sa namayapang director.

“Ang isa sa mga natutunan ko noon kay Direk Wenn, hindi ka lang patawa nang patawa. Hindi lang siya assignment o role na ina-assign sa iyo. May mga learnings ako at isa sa mga na-realize, iyong pagpapatawa mo… it is something with a bigger purpose. Even with Star Cinema, hindi sila papayag na patawa ka lang nang patawa dahil dapat may puso ang pelikula,” paliwanag niya.

Sobrang napabilib din siya sa ipinakitang pagpapakuwela ng kanyang dalawang leading men na sina Dingdong Dantes at Richard Gutierrez sa pelikulang “Fantastica” na kalahok sa 2018 Metro Manila Film Festival.

“I admire iyong  passion nila bilang actor. Ang gaguwapo nila and yet hindi sila natatakot na magmukhang katawa-tawa. Hindi sila natatakot to get out of their comfort zones. Hindi sila natatakot na mag-experiment… and I think for me, that’s the true essence of a versatile actor,” aniya.

Hirit pa niya, aminado siyang noong una ay na-awkward ang dalawang actor na kilala bilang magagaling na dramatic actors sa pakikipagsabayan sa comedy sa kanya.

“Iyong batuhan ng punchlines, kaya nila iyon. Nahirapan lang sila sa physical comedy kasi hindi naman talaga madali iyon kasi hindi sila sanay. Pero nagawa rin nilang itawid kaya naman, nadagdagan ang respeto ko sa kanila,” paliwanag niya.

Masaya rin si Vice dahil nakaaliwalas daw ng vibes lalo na’t nakadagdag sa youthful vibe ng pelikula ang pagkakasama sa cast ng mga kilalang loveteams nina Mayward, DonKiss at Loinie na ngayong pa lang ay kabi-kabila na ang pag-oorganize ng kanilang mga fans clubs ng block screenings.

Biro pa niya, nagpapasalamat din siya sa Star Cinema dahil pinagbigyan ng kumpanya ang kanyang kahilingan na magkaroon ng kissing scene sa kanyang mga leading men.

“First time akong pinagbigyan ng Star Cinema kasi matagal ko nang ni-request sa kanila na magkaroon ng kissing scenes kasi baka hindi na mapagbigyan dahil baka hindi ko na sila makatrabaho sa sobrang busy nila,” pahayag niya.

Salaysay pa niya, maraming pangabog daw ang pelikula tulad na lamang ng kanilang pagtatanghal sa loob ng perya.

“Lahat kami nag-perform kasi iyon ang puso ng pelikula,” pagwawakas niya.

Ang “Fantastica” ay umiikot sa kuwento ni Bellat (Vice) na nagnanais buhaying muli ang kanilang perya, ang “Perya Wurtzbach,” upang maisalba ito sa pagkalugi. Ang perya ay nagsisilbing tahanan din ng kanyang pamilya — si Bellat, ang kanyang ina na si Fec (Jaclyn), at mga itinuring na kapatid na sina Daks (Ronnie), Pepe (Edward), at Junjun (Donny).

Ngunit dahil sa mga utang, tataningan ni Dong Nam (Dingdong), na dating matalik na kaibigan ni Bellat, ang kanilang pananatili sa lupain kung saan nakatayo ang perya, hanggang sa dumating ang dating kaibigan na si Prince Pryce (Richard) na hihingi ng tulong na hanapin ang mga nawawalang prinsesa mula sa kanilang lugar, ang “Fantastica,” kapalit nang pagtulong nitong buhaying muli ang perya. Ang mga prinsesa ay sina Rapunselya (Loisa), Maulan (Maymay), at Ariella (Kisses).

Sa kanilang paghahanda sa pagbalik sa “Fantastica,” matutuklasan ng bawat isa na kailangang mabuksan ang lagusan at magagawa ito sa pamamagitan ng paglikom ng sampung libong “palakhak (palakpak at halakhak). Malilikom ang mga “palakhak” sa pamamagitan ng pagpapalabas ng “The Perfect Show” kung saan minsang nakilala ang “Perya Wurtzbach.”

Magagawa kaya ito ni Bellat kasama ng pamilya at mga kaibigan para maisalba ang perya na tinatawag nilang “happiest place on Earth?” The universe rather!

Sa ‘Fantastica,’ nakipagsanib-pwersa si Vice sa mga bigating pangalan sa industriya at mga sikat na tambalan parasiguruhing masaya ang bawat Kapamilya. 

Sa ilalim ng direksyon ni Barry Gonzalez, kasama sa ‘Fantastica’ sina Richard Gutierrez, Dingdong Dantes, Maymay Entrata & Edward Barber, Loisa Andalio & Ronnie Alonte, Kisses Delavin & Donny Pangilinan, Bela Padilla, Ryan Bang, at ang premyadong aktres na si Ms. Jaclyn Jose.

Kasama rin sa ‘Fantastica” sina MC Calaquian, Lassy Marquez, Chokoleit, Juliana Parizcova Segovia, Joven Olvido, and Hap Rice.

Mula sa produksyon ng ABS-CBN Films’ Star Cinema at Viva Films, ang ‘Fantastica’ ay opisyal na kalahok sa Metro Manila Film Festival 2018.

Ipapalabas ang ‘Fantastica’ sa mismong araw ng Pasko, Disyembre 25 sa mga sinehan sa buong bansa.

Leave a comment