
Vice Ganda shows everyone his ‘true beauty’ on air
by PSR News Bureau
Noong Huwebes (May 28) ng tanghali, hindi inaasahan ng mga manonood ng ‘It’s Showtime’ na magiging emotional si Vice Ganda sa kanyang segment na ‘Madam Bertud,’ kung saan nagbigay ito ng madamdaming advice sa isang teenager na babae na nagngangalang Pamela Reyes, 16 na biktima diumano ng pangbu-‘bully’ ng mga kaklase daw niya.
“Kailangan tanggap mo ang kahirapan mo kasi kapag tanggap mo ang sarili mo at kahinaan mo, walang sino mang tao ang may karapatang gumamit nito laban sa iyo,” paliwanag ni Vice. Bilang pagpapatunay na ang tunay na ganda ay wala sa skin deep kung hindi nasa mabuting kalooban, sa nasabing portion din ay unti-unting ipinakita ni Vice ang kanyang tunay na pisikal na itsura. Nagsimula si Vice na tanggalin ang kanyang hair extension sabay sabing mataas ang kanyang hairline. Kasabay nito na tinanggal niya ang kanyang mga malalantik na artipisyal na pilik-mata, inalis din niya ang kanyang suot-suot na contact lens na aniya ay nagpapaganda ng kanyang mga mata. Tinanggal din ni Vice ang kanyang make-up kaya’t tumambad sa madla ang tunay na itsura ni Vice kapag walang kabahid-bahid na makeup o anumang kaayusan.
Matapos nito’y nagsalita si Vice: “Ito ang unang pagkakataon na gagawin ko ito sa harap ng kamera at on national TV. Ito ako, ito si Vice Ganda. Hindi makinis ang mukhaa ko para sa paningin ng iba, mataas ang hairline ko. Ngayon picturan ninyo akong lahat, ikalat ninyo sa Internet. Pagtawanan ninyo ako. Laiitin ninyo ako. Sabihin ninyo ang lahat ng gusto ninyong sabihin. Wala akong pakielam,” paghahamon pa ng komedyanteng TV host.
“Dahil kahit magaspang ang mukha ko, mataas ang hairline ko, maganda ako. Wala na akong itinatago. Hindi na ako natatakot at kahit ano ang sabihin ninyo sa akin, hindi na ako mabibigla. Sabihin ninyo, pangit ang buhok ko, alam ko. Pangit ang kutis ko, alam ko. Pero iyan ang lahat ay sa paningin ninyo; para sa akin, maganda ako. Maganda ako at maganda ka,” dagdag pa ni Vice sa dalagang humingi ng ‘advice’ ni ‘Madam Bertud’ sa nasabing programa.
Pagkatapos ng naturang segment sa palabas nilang ‘It’s Showtime’ ay hindi na muling ibinalik ni Vice ang lahat ng kanyang tinanggal sa sarili at pinanindigan nito ang paniniwala na maganda siya. Nagawa pa nga nitong mag-post ng isang ‘selfie’ ng kanyang tunay na itsura sa kanyang Instagram account na @praybeytbenjamin. Dahil dito ay naging top local trending topic siya sa microblogging site na Twitter matapos ngang i-comfort ni Vice ang na-bully na teenager.