
Vice Ganda wants to become an inspiration to his fans
Muling pinarangalang ‘Phenomenal Box Office Star’ si Vice Ganda sa awards night ng Guillermo Mendoza Memorial Foundation. Ginanap ito sa The Theater ng Solaire Hotel & Casino nitong Linggo, June 14.
“Masaya, nakakatuwa nga, e,” masiglang pahayag ni Vice nang makausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR). “Apat na beses na silang nagbibigay nito. Tapos apat na beses din na ako ang laging binibigyan.”
May pressure ba on his part na siya lagi ang recipient ng nasabing award? Na kailangan ay ma-maintain niya lagi every year?
“Nakaka-pressure. Pero mas nakaka-excite at saka mas nakaka-proud. Mas masaya kasi mas positive ang epekto sa akin.”
After ng success ng recent concert niyang ‘Vice, Gandang-Ganda Sa Araneta: E Di Wow!,’ ano kaya ang susunod na malaking pasabog ulit na aabangan mula sa kanya?
“Ayoko na munang ‘magpasabog.’ Kasi baka lumaganap ang terorismo dito sa Pilipinas!” sabay ngiting biro niya. “Wala pa. Ini-enjoy ko muna ang lahat ng nangyayari sa buhay ko. Meron akong movie for filmfest (Metro Manila Film Festival). Eto yung movie na kami ni Coco (Martin) ang magkasama.”
Ayon pa kay Vice, si Wenn Deramas pa rin daw ang direktor nito. Parang naging tandem na silang dalawa sa pelikula ni Direk Wenn.“Pero open si Direk Wenn na gumawa ako ng movie sa ibang direktor. Sabi niya… ‘ang dami na nating nagawang movies, kung meron kang naiisip na project sa ibang direktor, okay ako sa gano’ng idea.’ Pero for now e maganda pa ang kinahihinatnan naming dalawa, bakit kami maghihiwalay?,” pag-aanalisa pa ng magaling na TV host-comedian.
Marami ang bumilib at positibo ang reaksiyon sa ginawa niyang pagbubura ng make-up kamakailan sa ‘It’s Showtime’ para ipakita ang totoo niyang hitsura. Dito nagsimula ang ‘Proud To Be Me’ campaign ni Vice.
Ano ang masasabi niya kaugnay nito?
“Masaya. Kasi this is the point in my life, in my career na sabi ko nga… ‘I wanna live with something na may eternal value.’Kasi, hindi ba ang dami ko nang blessings sa Diyos? Parang ito na ang panahon na baka sabihin ng Diyos sa akin na… ‘puro ka naman tanggap nang tanggap, ikaw naman ang magbigay.’ E hindi ko naman kayang magbigay ng salapi sa lahat ng tao. Siguro ang kaya ko lang ibigay sa kanila ay inspirasyon.”