
Why CEO Rhea Tan picks Arjo Atayde?
First time naming ma-meet ang President at CEO ng Beautederm na si Rhea Anicoche-Tan pero pakiramdam namin ay matagal na namin siyang kakilala.
Sa totoo lang, ang ganda ng PR niya at mabait siyang makiharap at makihalubilo sa Entertainment Press. Humarap kasi ang businesswoman sa press para ipakilala ang bagong endorser ng kanilang kumpanya na si Arjo Atayde.
Taong 2009 nagsimula ang Beautederm sa Angeles City, Pampanga na ang unang mga produkto ay whitening soaps, lotions, facial care kits at bleaching products.
Ngayon ay isa na itong malaking kumpanya na lumaganap na sa Luzon, Visayas at Mindanao. Hindi lang ‘yan, unti-unti na ring nakikilala ito sa ibang bansa tulad ng Singapore.
At dahil nga sa pagiging successful ay pinapalawak pa ito ni Ms. Rhea sa pagkuha ng endorsers sa kanilang mga produkto para lalo pa itong mailapit sa tao. Nauna nang ipinakilala si Sylvia Sanchez bilang isa sa mukha ng Beautederm. Ito ngang huli ay si Arjo para naman sa kanilang The Origin Series scents.
Pinili ang aktor para siya ay tumulong sa lalo pang makilala ang new line of perfume ng Beautederm na talagang swak sa kaniyang personalidad na palaging mabangong tingnan. Tulad ng tatlong scents ng The Origin Series na Radix, Dawn at Alpha ay talaga namang napakabango ng mga ito na parang si Arjo.
Going back to Ms. Rhea, bago pa man naitayo ang kanilang kumpanya ay pinag-aralan na niya ang pasikut-sikot at ang mga dapat gawin sa pagpapaunlad ng negosyo. Bilang bihasa sa Sales and Marketing noong nagtatrabaho pa siya sa isang appliance center at marami pang iba ay ito ang naging daan para siya ay umasenso. Hindi nakakapagtaka na siguradong papatok ang bagong produkto na inilunsad na naman ng Beautederm.
*******************
Marami nang sumubok at nagtayo ng all female group para pumasok sa showbiz pero nananatili pa rin na ang Sexbomb Dancers ang masasabing huling sumikat at nagkapangalan.
Isa ngayon sa mga nakikipagsapalaran para gumawa ng pangalan ay ang Belladonnas na nasa pangangalaga ng 3:16 Events and Talent Management ni Nanay Len Carillo. Kumakanta, sumasayaw at kakaririn din daw nila ang pag-arte.
Sa ngayon abala ang grupo sa kanilang pagsasanay kabilang na dito ang voice lesson nila na si Sweet Plantado lang naman ng The Company ang kanilang vocal coach.
Siyempre pa, lalo nilang pinagbubuti ang kanilang pagkembot at pagkendeng sa ilalim ng kanilang tagapagturong si May Pangyarihan ng Sexbomb. Totoong marurunong nang magsayaw pero kailangan pa rin nilang dumaan sa mga dance lesson.
Kamakailan ay ipinakilala sila sa entertainment press kasabay na rin ng paglulunsad ng kanilang single na “Enjoy and Ride.” Sa totoo lang marami sa mga kapatid natin sa panulat ang nagulat at humanga sa talento ng grupo.
Maganda ang timbre ng kanilang boses at totoo nga na marunong silang sumayaw. Kahit mga baguhan palang ay hindi naman sila mapapahiya sa kanilang performance na ipinakita sa press.
Sey ng publicist nilang si Leo Bukas, ganado raw ang mga girls para sa pagbuo ng kanilang album kaya todo rin ang kanilang preparasyon. Malapit nang mabuo ang first album nila na. Sabi naman ng manager nilang si Nanay Len, hindi raw siya binibigyan ng sakit ng ulo ng Belladonnas. Very cooperative daw sila at walang attitude problem.