
Will Danica approve if Vic marries Pauleen?
Sa tuwing makakausap ng Philippine Showbiz Republic (PSR) si Danica Sotto, hindi puwedeng hindi maungkat ang magandang namamagitan kina Vic Sotto at Pauleen Luna. Sa taping nga ng ‘Happy Wife, Happy Life’ ay di naman naging maramot si Danica na pag-usapan ang pagkaka-link ng kanyang ama kay Pauleen. In fact buong ningning niyang sinabi na tutol siya na makipag-live-in si Vic kay Pauleen. Mas gusto raw niyang makita ang dalawa na ikinakasal.
“Ako naman, sabi ko, basta kung ano ang gusto nilang gawin kahit marami pa ang tumataas ang kilay dahil sa edad, basta gawin lang nila yung tama sa mata ng Diyos na wala silang tinatapakang tao, go! Di ba?,” bungad nito sa amin.
“Minsan mahirap lang lunukin [yung age gap ng kanyang ama at ni Pauleen] dahil yung mga tao hindi mo maiwasan na magtaas ng kilay pero at the end of the day, sila yung magiging magkasama. Hindi naman yung mga tao ang makakasama mo. Parang ang hirap din maghusga.”
“Paulit-ulit lang lagi yung sinasabi ko na all I can do is be there for them. Establish ko yung relationship ko na parang paramdam ko na nandito ako kapag may kailangan kayo. Parang tulong, advice or dasal,” sabi ni Danica. Okay naman daw sila ni Pauleen at walang dahilan para siya tumutol kung talagang nagmamahalan ang dalawa.
“Minsan nga sumasama si Pauleen sa PBA games, nanonood kaming tatlo. Malapit din siya doon sa mga anak ko, sa mga bata. Malapit siya kasi sa mga bata, eh.
“Okay naman kami [ni Pauleen]. Ayoko lang i-deny na hindi agad kami naging okay. Hindi dahil sa may personal akong problema sa kanya. Siyempre, gaya ng karamihan ito ay dahil nga sa edad. Alam din naman ni Daddy yun, eh,” pakli pa ni Danica.
Ang mahalaga raw sa ngayon ay nakikita niyang masaya sina Pauleen at ang daddy niya.“Nakikita ko na mas kuntento si Dad. Nakikita ko rin na kay Pauleen na masaya siya at inaalagaan niya si Dad at napapasaya siya ni Dad. Ang prayer ko lang naman is, actually, no doubt about the present. Ang ipinagpe-pray ko is yung future. Sana masustain yung ganoon klaseng love. Sana, hanggang ano na yan, til death do us part na, yung ganun.”
Mas okay kay Danica na magpakasal na sina Vic at Pauleen kaysa naman daw na mag-live-in ang mga ito or mag-anak sila. Sa ngayon ay masayang wife si Danica kay Marc Pingris na isang sikat na PBA basketball player.
Greatest fear nga raw ni Danica na magkahiwalay silang mag-asawa. Hangad daw niya at ng mga kapatid niya pati na ang buong Sotto clan na nag-asawa na, na sana raw mapatid na sa kanilang mga Sotto ang mag-asawang naghihiwalay.
“Ayaw kong mangyari sa amin na matulad sa mga magulang namin na matapos magsama ay naghihiwalay. Nag-uusap kami mga anak na nag-asawa na hindi matutulad sa mga magulang namin na naghiwalay,” pagtatapos ni Danica.
Naikuwento rin ni Danica noon nag-aaral siya ay tinuruan siya ng kanyang ina na si Dina Bonnevie kung paano magtipid at tamang asal para sa magandang kinabukasan. Noon ay hindi raw gaano maintindihan ni Danica ang gustong mangyari ng kanyang ina. Lalo na raw noong nag-aaral siya na P30.00 pesos lang ang ibinibigay sa kanya bilang baon.
Katuwiran raw ng kanyang ina ay may dala na siyang pagkain at yung thirty pesos ay para sa kanyang iinumin na softrink or tubig. Ngayon lang daw niya napagtanto nang mag-asawa na siya na tama lahat ang mga itinuro sa kanya ng ina. Ipinakita at ipinamalas lang sa kanya na dapat lahat ng bagay lalo na kapag sangkot ang pera ay nasa tama at hindi yung gastos na hindi naman kailangan at importante. Bilang isa na ring ina ay ganoon din daw ang ipamumulat niya sa kanyang mga anak.