May 24, 2025
World Premieres Festival begins on June 24
Faces and Places

World Premieres Festival begins on June 24

Jun 4, 2015

arseni@liao
by Arsenio “Archie” Liao
world premmier

Muling nagbabalik ang ‘World Premieres Film Festival’ ngayong taon. Mas exciting din ang bagong edisyon nito dahil nagdagdag ng bagong kategorya ang Film Development Council of the Philippines—ang Filipino New Cinema division, kung saan walong bagong pelikula ang nakatakdang magkaroon ng kanilang premiere sa nasabing piyesta ng pelikulang pandaigdig.

Ang mga walong napiling pelikula sa ilalim ng Filipino New Cinema Section ng WPFF ay ang mga sumusunod: ‘Ang Kubo sa Kawayanan’ ni Alvin B. Yapan, ‘Ang Kwento Nating Dalawa’ ni Nestor Abrogena, ‘Filemon Mamon ni Will Fredo, ‘I Love you, Thank you’ ni Charliebebs Gohetia, ‘Maskara’ ni Genesis Nolasco, ‘Of Sinners and Saints’ ni Ruben Maria Soriquez, ‘Piring’ ni Carlos Morales, at ‘Sino nga ba si Pangkoy Ong?’ ni Jonah Lim.

Upang magkaroon kayo ng ideya kung ano ang dapat asahan sa mga kalahok ngayong taon, narito ang kanilang buod:

‘Ang Kubo sa Kawayanan’ ay tungkol kay Michelle (Mercedes Cabral), isang mahiwagang babae na nabubuhay sa kanyang espesyal na mundo at ang kanyang di karaniwang kaugnayan sa isang kubo sa kawayanan. Kabituin din ditto sina RK Bagatsing at Mark Felix.

‘Filemon Mamon’ ay tungkol kay Sam (Nicco Manalo), isang batang filmmaker na nahaharap sa krisis ang relasyon kay Isa (Emmanuelle Vera), ang kanyang girlfriend. Si Sam ay may fellowship offer sa isang tanyag na pamantasan samantalang si Isa ay nakatakdang tumulak sa Estados Unidos. Kasama rin sa cast si Brian Corella. Ang pelikulang ‘Filemon Mamon’ ay isang advocacy film na nagpro-promote ng kahalagahan ng kalusugan at tamang nutrisyon. Tungkol ito kay Filemon Mamon (Jerome Ignacio), isang high school student na may dalawang bagay na gustong makamtan: ang mapaibig ang babaeng “crush” niya at mapiling gumanap na bida sa isang musical play tungkol kay Gat Andres Bonifacio. Pero may mas malaking problema siyang hinaharap: ang kanyang katabaan. Nasa all star cast sina Miles Ocampo, Smokey Manaloto, Joshua Colet, Rayver Cruz, Christian Bautista, Nanette Inventor, at Giselle Sanchez.

‘I Love you, Thank you’ ay kuwento ni Paul (Joross Gamboa) isang gay na umaasang mamahalin siya ni Red (Prince Stefan). Sa kanyang paghahanap ng direksyon sa buhay at pag-ibig, pupunta siya sa Siem Riep sa Cambodia kung saan makikilala niya si Tang (Ae Pattawan) at doon magsisimula ang kanyang mas masalimuot na paglalakbay. Kinunan ito sa Thailand, Vietnam at Cambodia, kabituin din dito sina Sean L’Estrange, Ville Thuy, Surachai at Yomjinda.

‘Of Sinners and Saints’ ay tungkol kay Leonardo Rosselini (Ruben Maria Soriquez), isang paring Italyano na na-assign sa Payatas kung saan makakasalumuha niya hindi lang ang mga mahihirap sa lugar kundi pati na ang mga taong nanninirahan sa kalunsuran na balot ng karahasan. Kabituin dito sina Channel Latorre, Raymond Bagatsing, Sue Prado, Richard Quan at Polo Ravales.

‘Maskara’ ay umiinog sa kuwento ni Pia Gorospe (Ina Feleo) at ang kanyang paghahanap ng kasagutan sa misteryo ng pagkamatay ng isang top-ranking executive ng isang kilalang kumpanya. Ang kanyang paglalakbay ay magdadala sa kanya sa lungsod ng Marinduque kung saan idinaraos ang taunang tradisyon ng mga Moriones. Kasama sa cast sina Ping Medina, Lance Raymundo, Lester Llansang, at Boots Anson-Roa.

‘Piring’ ay tungkol sa isang working student na si James (Yussef Esteves) na kayod-marino para masuportahan ang kanyang pamilya habang nagiging saksi siya sa mga tukso at korupsyon sa siyudad. Kabituin din sina Krista Miller, Bembol Roco, at Tessie Tomas. Ito ang directorial debut ng magaling na character actor na si Carlos Morales na nakilala sa kanyang pelikulang ‘Laro sa Baga.’

‘Sino nga ba si Pangkoy Ong?’ay nakasentro sa pakikipagsapalaran ng tatlong magkakaibigan na sina Armand (Kiko Matos), Julian (Paulo de Vera), at Paolo (Elston Jimenez) pawang mga walang trabaho at kapos sa pera na susubukang i-blackmail ang isang writer na nagngangalang Pangkoy Ong. Kabituin din sina Hazel Faith dela Cruz, Coleen Perez, at Lara Villar.

Ang ikalawang edisyon ng World Premieres Film Festival ay gaganapin sa SM Cinemas simula sa Hunyo 24 hanggang Hulyo 7.

Maliban sa ‘Filipino New Cinema’ section, ang WPFF ay mayroon ring Main Competition, Cine Verde section, and Parallel sections (Euroview, ASEAN Skies, Ibero-America, and Eurasian Cinescape). Sa kabuuan, humigit kumulang na pitumpung (70) pelikula mula sa iba’t-ibang bahagi ng daigdig ang nakatakdang ipalabas sa inaabangang film festival sa Asya.

Ang World Premieres Film Festival ay isang international festival na naglalayong bigyan ng puwang o pagkakataon ang mga filmmakers mula sa Asya, Europa at iba pa na ipalabas ang kanilang mga pelikula sa bansa hindi lang upang maitampok ang kanilang kultura kung hindi upang mas makilala pati ang kanilang natatanging ambag sa pangkalahatang lengguwahe ng pelikula.

Ang mga kalahok na mga pelikula ay magtutunggali sa iba’t-ibang awards at magkakaroon ng red carpet premiere na dadaluhan ng iba’t-ibang artista, director at mga personalidad mula sa iba’t-ibang panig ng mundo.

wpff

Leave a comment

Leave a Reply